ARESTADO ang isang notoryus na drug pusher, nakatala bilang high value individual (HVI) matapos makuhaan ng mahigit P300,000 halaga ng shabu sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Caloocan City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Caloocan city police chief P/Col. Ruben Lacuesta ang naarestong suspek na si Jovanie Monis, alyas Vanie, 42 anyos, ng Bagong Silang, Brgy. 176, ng nasabing lungsod.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Ponce Rogelio Peñones, Jr., sinabi ni Col. Lacuesta na dakong 5:40 pm nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Major Dennis Odtuhan, kasama ang 3rd MFC RMFB-NCRPO ng buy bust operation sa Phase 10-B, Kalayaan St., Barangay 176, Bagong Silang matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa talamak na pagbebenta ng suspek ng illegal drugs.
Agad sinunggaban ng mga operatiba ang suspek matapos bentahan ng P52,500 halaga ng shabu ang isang undercover police poseur-buyer.
Nakompiska sa suspek ang halos 50 gramo ng hinihinalang shabu, may standard drug price P340,000; at buy bust money na isang tunay na P500 bill at 52 pirasong P1,000 boodle money.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (ROMMEL SALES)