SHOOT sa loob ng rehas na bakal ang isang lalaki matapos mahulihan ng baril sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Caloocan City police chief P/Col. Ruben Lacuesta ang naarestong suspek na si Jeffrey Gumaru, 37 anyos, residente sa 3rd Avenue, Brgy. 118 ng nasabing lungsod.
Sa ulat ni Col. Lacuesta kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Ponce Rogelio Peñones, Jr., dakong 3:00 am habang nagsasagawa ng Oplan Galugad ang mga tauhan ng Sub-Station 2 ng Caloocan police sa pangunguna ni P/Capt. Romel Caburog nang mapansin nila ang suspek na kahina-hinala ang kilos habang gumagala sa nasabing lugar.
Nang lapitan ng mga pulis para beripikahin ang kanyang pagkakakilanlan ay tinangkang umiwas at tumakas ng suspek ngunit naaresto rin siya kalaunan ng mga parak.
Nang kapkapan, nakompiska sa kanya ang isang kalibre .38 revolver, may isang bala, at nang hanapan ng kaukulang mga dokumento para sa nasabing baril ay walang maipakita ang suspek.
Kasong paglabag sa Article 151 of RPC (Disobedience of Person in Authority and His Agent) of RPC, and Violation of RA 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunitions) ang isasampa ng pulisya sa suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office. (ROMMEL SALES)