HATAWAN
ni Ed de Leon
SA makalawa, simula na ng Metro Manila Film Festival 2022. Sa unang araw, makikita na natin ang trend kung sino ang mas kikita at kung sino ang hindi. Uso ang tinatawag na “padding” ng kita ng mga pelikula. Marami ang magsasabing sila ay top grosser. Kasi kung sino ang paniniwalaang hit, malamang nga sa hindi iyon ay kumita. Nagkakaroon kasi ng tinatawag na “snow ball effect” iyan sa takilya.
Pero maging ang mga lider ng industriya, nagsasabi ngayon na imposibleng abutin ng MMFF ang dating kita ng mga festival noong araw. Una, maraming mga sinehan ang tuluyan nang isinara. Pangalawa, nakikita naman natin ang resulta ng mga pelikulang Filipino na inilabas sa mga sinehan nitong nakaraang mga araw.
Hindi lang iyan dahil sa pandemya, kung natatandaan ninyo, bago pa iyang pandemic may umiiral nang slump sa industriya ng pelikulang Filipino. Kasi nga nang tumaas ang EVAT, tinipid ng mga producer ang pelikula. Nagmukha nang indie ang lahat halos, habang malalaki naman ang mga pelikulang dayuhan. Kaya kumikita ang foreign films, pero ang local naiwan. Hindi na rin sila nag-build up ng bagong artista, kaya ang mga bagong fans nahumaling sa mga Koreano, kasi iyon ang bago eh.
Bago pa nag-pandemya, naiiba na ang business climate sa industriya ng pelikula. Noong pandemya pinasukan pa tayo ng katakot-takot na sex films na napapanood sa internet. Nag-click iyon noong una dahil wala ngang mga sinehan, naka-lockdown din. Pero sa halip na salitan ng mabubuting pelikula, naging concentrated sila sa sex movies. Hindi kailangang magbayad ng malalaking artista. Kahit na sinong madampot na nakahandang magbuyangyang ng private parts ok na.
Ngayon iyang MMFF, sa Metro Manila na lang. Sa labas ng Metro Manila namamayani ang malalaking foreign films. Paano masasabing kikita sila ng bilyon?