SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
NAGING matagumpay ang idinaos na Parade of Stars ng Metro Manila Film Festivals 2022 dahil sa dami ng mga taong nag-abang sa mga float ng walong kasaling pelikula.
Nag-umpisa ang parada sa Welcome Rotonda at nagtapos sa Quezon Memorial Circle na nagkaroon ng programa na nagtampok sa walong entries ng MMFF na mapapanood simula sa December 25.
Tinilian ng napakaraming tao ang pa-abs ni Jake Cuenca habang kumakanta. Bigla kasing hinubad ni Jake ang suot-suot na t-shirt st inihagis sa ‘di magkamayaw na audience.
Lalong sumaya ang programa sa ginawang iyon ni Jake na isa sa bida ng My Father, Myself kasama sina Sean de Guzman, Dimples Romana, at Tiffany Gray at idinirehe ni Joel Lamangan handog ng 3:16 Media Network at Mentorque.
As usual dinagsa rin at pinanggigilan ng mga taong nakaabang sa dinaanan ng parada si Coco Martin na bida sa pelikulang Labyu With An Accent. Talaga namang ‘di magkamayaw ang netizens sa pagyakap kay Coco.
Nakatutuwa rin ang paglapit ni Jake kay Coco para batiin at yakapin. Nagkasama ang dalawa sa Tayong Dalawa at FPJ’s Ang Probinsyano.
Maganda ring tingnan na lahat ng mga kasaling entry sa MMFF 2022 ay nagbatian at lahat ay masaya dahil ngayon lang muli nangyari ang parada na ilang taon ding hindi nagawa dahil sa pandemic.
Nagbigay-kasiyahan din si Jeffrey Hidalgo na kasama nina Nadine Lustre, Louise delos Reyes, at McCoy de Leon sa Deleter.
Nag-perform din si Heaven Peralejo ng Nanahimik ang Gabi na inabutan ng bulaklak ng kanyang mga co-star na sina Ian Veneracion at Mon Confiado. Kaya naman kilig overload.
Nagyakapan sina Vice Ganda at Toni Gonzaga. Nilapitan ni Vice na bida sa Partners In Crime si Toni na bida naman sa My Teachers (kasama si Joey de Leon) sa float at inakap ang misis ni direk Paul Soriano.
Hindi nakasama sa parada ang mga senior star na sina Noel Trinidad at Liza Lorena ng Family Matters, Joey ng My Teachers, at Edu Manzano ng Mamasapano: Now It Can Be Told.
Masaya at nagpapasalamat naman si QC Mayor Joy Belmonte sa tagumpay ng MMFF 2022 Parade of Stars.
Ani Mayor Joy, susubukan niyang mapanood ang walong entries ng MMFF.
“Mahilig ako sa horror. So, I will watch all the horror movies. ‘Deleter,’ and I want to watch ‘Family Matters,’ and ‘yung pelikula rin ni Direk Lino Cayetano, ‘Nanahimik ang Gabi,” anang mayor nang tanungin kung ano ang uunahing panoorin.
“He (direk Lino) texted me personally to watch it, and I will watch that. Pero as much as possible, mayroob na akong passes, at lahat ng pelikula ay papanoorin ko dahil Christmas break naman,” sambit pa ni Mayor Joy