SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
NAPAKABONGGA at nakalulula ang ginanap na grand launch ng Jamsap Entertainment Corporation sakanilang kulang-kulang 60 talents mula sa apat nitong division— Jams Artist Talent Center, Jams Top Model Philippines, Jams Basketball Training Camp, at Jams Artist Production na ginanap sa SMX Convention Center noong December 20.
Ang Jams Artist Talent Center ay training ground ng mga talent na nangangarap maging artista, modelo, singer o dancer na may edad 4-45. Bale dumadaan sila sa masusing workshop sa acting, dancing, at modelling na pinamumunuan ni Jessica Mendoza.
Event producer din ang Jams Top Model Philippines na nagpo-produce ng top models sa bansa. Nagsasagawa rin sila ng taunang ramp model competition na libo-libo ang sumasali. Si Josie Deog naman ang namamahala rito.
Sa Jams Basketball Training Camp naman ay nagsasanay sila ng mga potensyal na basketball superstars. Nagho-host din sila ng paliga sa iba’t ibang munisipalidad at siyudad sa buong bansa na pinamumunuan ni Patrick Alvarez.
Sa Jams Artist Production na pinamumunuan naman ni Maricar Moina ay isang talent at event production company na nagsasanay ng iba’t ibang artists at models sa fashion at movie industry.
Nagsisilbi ring talent at casting agency na nagsu-supply ng talents sa iba’t ibang media platforms at networks ang Jamsap.
Ayon sa may-ari ng Jamsap Entertainment Corporation na sina Jojo Flores (CEO) at COO Maricar Moina ang mga talent na sinasanay nila ay isasama nila sa mga pelikula, serye, at digital ads na iproprodyus nila simula 2023.
Anila, marami silang plano sa kanilang talents at nakalatag na iyon pagpasok ng 2023.