ni ROSE NOVENARIO
SUPORTADO ng gobyerno ng Estados Unidos ang Filipinas sa pagpapahayag ng pagkaalarma sa napaulat na pagdagsa ng mga sasakyang pandagat ng China sa Iroquois Reef at Sabina Shoal sa West Philippine Sea.
“The reported escalating swarms of PRC vessels in the vicinity of Iroquois Reef and Sabina Shoal in the Spratly Islands interfere with the livelihoods of Philippine fishing communities, and also reflect continuing disregard for other South China Sea claimants and states lawfully operating in the region,” ani State Department Spokesperson Ned Price kahapon.
Sinabi ni Price, sinusuportahan ng Washington DC ang Maynila sa patuloy na panawagan nito sa China na igalang ang internasyonal na batas na makikita sa United Nations Convention on the Law of the Sea, at ang mga legal na obligasyon nito sa ilalim ng 2016 arbitral ruling.
Napaulat kamakailan na kinompirma ni Western Command chief Vice Admiral Alberto Carlos na dose-dosenang mga sasakyang pandagat ng China ang lumilipat palapit sa Palawan nitong mga nakaraang buwan.
Sa isang pahayag noong 14 Disyembre, sinabi ng Department of National Defense (DND) na tinitingnan nito ang swarming na may ‘malaking alalahanin’ at pinanindigan na hindi ibibigay ng Filipinas ang kahit isang square inch ng teritoryo nito.
Wala pang tugon ang Chinese Embassy sa Maynila nang hingan ng komento.
Ang US ay nagbahagi rin ng mga alalahanin sa hindi ligtas na enkuwentro sa pagitan ng Philippine Navy at Chinese Coast Guard nang makuha ng huli ang mga labi na pinangisda ng Navy mula sa West Philippine Sea noong 20 Nobyembre.
“The United States stands with our ally, the Philippines, in upholding the rules-based international order and freedom of navigation in the South China Sea as guaranteed under international law,” ani Price. (ROSE NOVENARIO)