SA KULUNGAN ang bagsak ng dalawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga, kabilang ang isang bebot matapos makuhaan ng halos P.4 milyong halaga ng shabu nang malambat sa buy-bust operation ng pulisya sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Navotas City police chief P/Col. Dexter Ollaging ang naarestong mga suspek bilang sina Jomarie Amaro, alyas Oman, 27 anyos, at Jennifer Rivera, alyas Ipey, 36 anyos, kapwa residente sa Caloocan City.
Ayon kay Col. Ollaging, dakong 9:24 pm nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Luis Rufo, Jr., sa Kanduli St., Brgy. NBBS Dagat-Dagatan, Navotas City matapos ang natanggap na impormasyon na nagbebenta ang mga suspek ng shabu.
Isang undercover police ang nagawang makipagtransaksiyon sa mga suspek ng P12,000 halaga ng droga at nang tanggapin nila ang marked money mula sa police poseur buyer kapalit ng shabu’y agad silang dinamba ng mga operatiba.
Nakompiska sa mga suspek ang halos 58 grams ng hinihinalang shabu, may standard drug price P394,400 buy bust money na isang tunay na P1,000 bill at 11 pirasong P1,000 boodle money, P600 recovered money at betl bag.
Ani P/Lt Rufo, kakasuhan nila ang mga suspek ng paglabag sa Section 5 (Sale), Section 11 (Illegal Possession of Dangerous Drug), Article II of RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2022). (ROMMEL SALES)