HATAWAN
ni Ed de Leon
PINADALHAN na raw ng notice ng DOLE ang nanay ni Sarah Geronimo na si Divine Geronimo, kaugnay ng naging reklamo laban sa kanya ng isang empleado. Isa lang naman iyong face to face conference. Ang DOLE naman, hanggang magagawang ayusin ang problema sa pagitan ng mga manggagawa at employers, inaayos nila iyan lalo na’t maliit na negosyante lang naman ang involved. Kung hindi talaga maayos at saka iyan idinudulog sa NLRC.
Pero ganoon din ang gagawin ng NLRC, kung hindi rin naman napakalaking problema inaayos iyan ng isang mediation committee, dahil kung lahat naman ng sasampahan nila ng kaso, aba eh kailan pa madedesisyonan ang napakaraming reklamo? Matatambakan lang sila.
Palagay namin maaayos naman iyang problemang iyan ng nanay ni Sarah, lalo na nga’t katatapos lang ng pandemic, may umiiral na inflation, at ano nga ba ang mapipiga mo sa maliit na negosyante? Kung tumigil pa iyan sa negosyo, lalong dadami ang walang trabaho.