HATAWAN
ni Ed de Leon
SA taong ito, wala pa kaming naririnig na box office forecast para sa Metro Manila Film Festival. Ang narinig lang namin ay iyong palagay ni Boots Anson Rodrigo na hindi maaaring asahan na kumita ang sampung araw na festival ng P1-B kagaya ng dating record. Siyempre ang sinasabing dahilan ay may pandemic pa.
Iyan ay sa kabila ng sinabi ng World Health Orgnization na maaaring sa Enero ay tumawag na sila ng pagpupulong para ideklarang tapos na ang pandemic sa buong mundo. Ibig sabihin, ang pumapatay na lang sa negosyo ay ang umiiral na inflation.
Dahil sa idinadahilang pandemic at inflation, walang masyadong malaking pelikulang ginawa para sa festival. Totoo na may pelikula rin si Vice Ganda na dati ay nagta-top grosser. May pelikula rin si Coco Martin na nagbanta rin sa pagiging top grosser, pero ang dalawang pelikula ay halos walang publisidad. Ang nakapag-promote nang husto ay iyong mga pelikulang walang box office stars. Maaari kasing sikat din ang artista, pero wala pang pruweba sa takilya.
Sa nakita naming trend bago ang festival, ang mga pelikulang Filipino ay inilalampaso sa takilya ng mga pelikulang Ingles. Ang dahilan, ang mga pelikulang Ingles ay “better produced” at kung pareho lang ang bayad, saan ka manonood? Hindi ba roon sa alam mong ginawa nang mahusay ang pelikula?
Hindi naman tama ang pinagsasabi nilang ‘tangkilikin ang pelikulang Filipino” dahil tayo ay Filipino, eh iyong mga artista natin mismo ipino-promote pa ang mga artistang Koreano, o kaya nag-aambisyon sa abroad na para bang sinasabing hindi sapat sa kanila ang kasikatan sa Pilipinas. Hindi rin naman sumikat sa abroad.
Wala nga sigurong gumagawa ng forecast, dahil malabo naman iyong gumawa ka ng forecast na maliit lang naman ang kikitain.