HATAWAN
ni Ed de Leon
ANO ang naaalala namin ngayon sa tuwing madadaan sa Fernando Poe Jr.Avenue?Ang nararamdaman namin ay inis, hindi dahil kay FPJ, ikinatutuwa nga namin na sa kanya ipinangalan ang kalye.
Ang nakaiinis doon, iyong traffic na mula Quezon Avenue hanggang sa Del Monte Avenue na. Halos kalahati ng FPJ Avenue mistulang parking lot na. Mukhang panatag lang naman ang mga barangay at ang traffic bureau ng Quezon City dahil katuwiran nila, “talagang traffic eh.” Kasalanan iyan ng DPWH, dahil sa kakulangan ng planning.
Hindi nila naisip na noong itayo nila ang Skyway, maaapektuhan ang Quezon Avenue, at walang magagawa ang mga tao kundi mainis o magmura na lang.
Hindi rin yata nila naisip na dahil ma-traffic mas kailangan ang mga traffic enforcer para makatulong. Iyong mga traffic enforcer na dati ay laging naroroon para tingnan kung may OR-CR ang mga motorsiklo, ngayon ay naging “invisible” na.
Ang buhay nga naman. Kung kailan ipinangalan na nang husto kay FPJ ang kalye, naging kasumpa-sumpa naman iyon dahil sa traffic.