HATAWAN
ni Ed de Leon
HINDI naman natin maikakaila kung gaano kahusay makisama si Roderick Paulate sa mga kasama niya sa showbusiness, simula noong bata pa siya hanggang magka-edad na nga. Natatandaan nga namin noon, si Ate Vi (Vilma Santos) basta mainit ang ulo ipinatatawag si Roderick para siya pakalmahin.
Noong isang araw, may nakita rin kaming reaksiyon ni Carmi Martin, na noong panahon ng kanyang kasikatan ay nagkaroon din ng isang musical-variety show na ang co-host ay si Roderick. Hindi rin siya nakapagpigil sa pagsasabi kung gaano kabuting tao si Roderick at nagpahayag nga ng kalungkutan sa naging hatol ng hukuman sa kaso niyang graft. Pero malaki ang kaibahan niyon eh. Iba iyong pagiging mabuting tao niya kaysa roon sa tinalakay na kaso sa hukuman. Iyong hukuman maaaring naniniwalang mabuting tao ka pero siyempre naka-base
sila sa ebidensiyang ihaharap laban sa iyo.
Hindi pa naman iyan ang katapusan ng lahat. Sandigang Bayan lamang ang humatol kay Roderick, maaari pa siyang umakyat sa Court of Appeals at sa Supreme Court, na maaari siyang mangatuwiran at makapagharap ng iba bang ebidensiya. Kung ano ang desisyon ng pinakamataas na korte, iyon ang masusunod, at saka na tayo mag-react.
Hindi rin naman makatutulong kay Kuya Dick ang anumang sasabihin tungkol sa kanya sa ngayon, mabuti man o masama. Kasi lalo lang nadidiin sa isipan ng mga tao at sa totoo lang nakadadagdag pa iyon sa stress ni Kuya Dick.
Sa ngayon ay mga aksiyong legal muna ang kailangang gawin, at kung may maitutulong
nga kayo sa labang legal, iyon ang kailangan.
Hindi ang personal na opinion.