RATED R
ni Rommel Gonzales
SA paanyaya ng kaibigan naming actress/director na si Suzette Ranillo ay dumalo kami sa magarbong 1st Gawad Banyuhay Awards na pinarangalan ang ina ng aktres, si Ms. Gloria Sevilla, ng Gawad Banyuhay Aktor ng Panahon.
Si Suzette ang tumanggap ng parangal mula kay Dr. Carl. E. Balita (ng Carl Balita Review Center) na siyang nagtatag ng naturang award-giving body na idinaos sa grand ballroom ng Manila Hotel, Lunes ng gabi, December 12, 2022.
“Mom has left a legacy to bolster not just the Visayan movies and talents but the whole regional filmmaking. And I plan to continue it.
“But I can’t do it alone. I hope to get support not just from the entertainment industry but also some sort of a subsidy from the government,” pahayag ni Suzette.
Mukha namang nakahanap si Suzette ng katuwang sa kanyang adhikain sa katauhan ni Dr. Carl dahil silang dalawa ang namili, katuwang ang SPEEd o Society of Philippine Entertainment Editors ng awardees sa Gawad Banyuhay sa sector ng Entertainment.
Dumalo ang ilang SPEED members tulad nina, Nestor Cuartero, Ervin Santiago, at ang patnugot ng HATAWtabloid na si Maricris Valdez.
Ang Gawad Banyuhay Gloria Sevilla Actress of the Year award ay ipinagkaloob kay Sharon Cuneta; ang Gawad Banyuhay ng Programang Pang-edukasyon ay nakamit ng Maria Clara At Ibarra ng GMA na tinanggap ni Barbie Forteza;
ang celebrity chef na si Boy Logro naman ay ginawaran ng Haligi ng Siklab award; ang Gawad Banyuhay Haligi ng Musika ay ipinagkaloob kay Dulce at ang Gawad Banyuhay ng Musika Dulce Singer of the Year ay ipinagkaloob naman sa Pop Diva na si Kuh Ledesma.
Wala sa awards night sina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla na pinarangalan bilang Gawad Banyuhay ng Pagmamahalan pero may video na ipinadala si Daniel bilang pasasalamat sa kanilang award.
Nasa awards night ang kaibigan ni Suzette na actress/businesswoman na si Kate Brios na Board Member din ng MTRCB o Movie and Television Review and Classification Board bilang suporta sa parangal kay Tita Gloria.
Matagal na panahon na Board Member ng MTRCB si Tita Gloria; si Suzette ba ang papalit sa mommy niya as MTRCB Board Member?
“It would be an honor if I do. Mom was passionate with her work sa MTRCB as Board Member. She served six or seven different MTRCB chairpersons,” sinabi pa sa amin ni Suzette.