HATAWAN
ni Ed de Leon
NAKALULUNGKOT nang magpaalam na sa kanyang show si Bro. Jun Banaag, o lalong kilala sa tawag na Dr. Love, na sa loob nang mahigit na 20 taon ay narinig sa dzMM, at ngayon sa kanilang Teleradyo.
Inaamin niyang malungkot dahil ang ABS-CBN ay itinuring na rin niyang tahanan, pero kailangang tanggapin ang katotohanan na kailangan na nga silang mag-move on.
Ganyan din ang nangyari kay DJ Richard, na nang mawala ang dzMM ay nawalan na rin ng programa sa Teleradyo, mabuti na lang at nakalipat siya sa dzBB. Ngayon ganoon na rin si Dr. Love, dahil hindi na pareho ang programa niya. Iyong dati nilang oras ay pinapasukan na lang ng replay ng mga programa sa ANC, para siguro makatipid din dahil halos wala silang commercials eh, off the air kasi sila. At sabihin mo mang napapanood sila sa cable at sa Facebook at Youtube, eh ano nga ba ang audience ng social media?
Hindi naman mawawala nang tuluyan si Dr. Love, dahil ang balita ay magkakaroon siya ng program on the air sa ibang estasyon ng radio, natural hindi lang niya masabi kung saan dahil nasa dzMM pa siya.
Malungkot, pero parang sinasabi nila na talagang hindi na makakapagbukas iyang dzMM ng ilan pang panahon.