HINDI pinalusot ni Gabriela Rep. Arlene Brosas ang tangkang pagsalba sa kontrobersiyal na Maharlika Wealth Fund sa pamamagitan ng pagtatanggal ng pondo ng Social Security System (SSS) at ng Government Service Insurance System (GSIS) bilang source funds na gagamitin sa Maharlika Wealth Fund.
Ayon kay Brosas ang MWF ay magiging balon ng korupsiyon, pondohan man ng SSS at ng GSIS.
“Kahit tanggalin pa ang GSIS at SSS sa pagkukuhaan ng pondo, maaari pa rin maging balon ng korupsiyon ang Maharlika Fund lalo’t talamak ang korupsiyon sa gobyerno at walang inihahain na safeguards para siguraduhing gagamitin sa tama ang pondong ito,” sabi ni Brosas sa isang press conference kahapon.
“Kung gusto talaga ng gobyerno na magkaroon ng pondo, tanggalin nila ang confidential at intelligence funds, ayusin ang prioritization sa budget ng mamamayan, at maglaan sila ng pondo para sa batayang serbisyo na direkta sa mamamayan,” aniya.
Ayon kay House Speaker Martin G. Romualdez tinanggal na nila ang SSS at GSIS bilang contributors sa Maharlika Investment Fund.
Ani Romualdez, ang desisyon ay napagkasunduan ng mga lider ng mga kinatawan sa Kamara.
Ayon kay Marikina City Rep. Stella Quimbo, isa sa mga co-author ng panukalang MWF na isinumite ni Romualdez, ang pagtanggal sa SSS at GSIS bilang source ng pondo ay lumabas matapos ang miting kasama ang mga ‘economic managers’ ng administrasyong Marcos.
“Based on our assessment of the proposed changes put forward by the economic team, we are amending the bill to change the fund sources, removing GSIS and SSS as fund contributors and instead utilize profits of the Bangko Sentral ng Pilipinas,” ayon kay Quimbo.
Ang pagbabago sa panukala ay gagawin sa Biyernes sang-ayon sa utos ni Speaker Romualdez.
“Maganda na nagsagawa tayo ng series of consultations ukol sa panukala, na-validate ang mga agam-agam ng ating mga kababayan, lalo ang masisipag na manggagawang Filipino, na buwan-buwang naghuhulog ng GSIS at SSS contributions,” dagdag ni Quimbo.
Giit ni Quimbo, ang layunin ng MWF ay maging “investment vehicle where existing surplus capital of the government can grow and reap benefits.”
“Anoman ang sobrang kapital ng gobyerno ay mabuting ipuhunan sa mga proyekto na may high returns. Sa taongbayan din ang balik ng kita ng investments ng Maharlika na mararamdaman sa mas mataas na budget para sa mga programa ng gobyerno na tutugon sa pangangailangan ng bawat Filipino,” paliwanag ni Quimbo.
“Dapat masiguro na ang batas na lilikha ng Maharlika Fund ay mayroong katapat na probisyon na magtatakda sa pangangalaga ng pondo ng bayan,” ani Quimbo. (GERRY BALDO)