BAGO pa man ipalabas dito sa Pilipinas ang Broken Blooms, humakot na ito ng awards mula sa iba’t ibang film festival abroad.
Wagi ito ng Gold Remi sa Houston International Film Festival sa Texas at nasungkit naman ng lead actor nitong si Jeric Gonzales ang pinakauna niyang international acting award sa Harlem International Film Festival sa New York.
Wagi ring Best Actor si Jeric sa Mokho International Film Festival samantalang ang lead female actress nitong si Therese Malvar ay nanalong Best Actress In An Indie Film, at ang direktor na si Louie Ignacio ay ginawaran ng Special Jury for Director bukod pa sa Best Narrative Feature Film award ng pelikula.
Kinilala muling Best Actor si Jeric sa Tagore International Film Festival, Best Actress naman si Jaclyn Jose at ang kanilang pelikula mismo ay nag-uwi ng Best Narrative Feature award, Critics’ Choice For Best Director kay direk Louie, at Best Cinematography kay TM Malones.
Napanalunan ni Jeric ang kanyang pang-apat na international acting award bilang Best Actor mula sa Montelupo Fiorentino International Independent Film Festival sa Italy nito lamang Hulyo.
At kamakailan ay pinagkalooban ng Special Jury Award ang pelikula sa 8th Brasilia International Film Festival sa Brazil.
Dalawang film festivals din sa India ang kumilala sa pelikula na isinulat ni Ralston Gonzales Jover.
“First time ko siyang napanood on big screen dito sa Pilipinas, na kasama lahat ng mga kababayan nating Filipino, so natuwa ako sa reaction nila, kasi na-appreciate nila ‘yung pelikula namin, kaya masayang-masaya ako, ayun grateful na nagawa namin ‘yung pelikulang ‘to,” bulalas ni Jeric.