ISANG holdaper ang naaresto matapos habulin at humihingi ng tulong ang biktima sa Valenzuela City.
Kinilala ni Valenzuela City Station Investigation Unit chief P/Lt. Armando Delima ang suspek na si Jay Guzman, 37 anyos, residente sa Valdez St., Paso De Blas ng nasabing lungsod.
Batay sa ulat nina P/SSgt. Regimard Manabat at P/SSgt. Laude Pillejera, ang biktimang si Allan Paul Gapusan, residente sa Brgy. Bagbaguin, Caloocan City ay naglalakad sa Maysan Road nang mula sa likod ay biglang hinablot ng suspek at tinutukan ng bread knife sa leeg saka nagdeklara ng holdap.
Sapilitang inagaw ng suspek ang cellphone kaya pumalag ang biktima dahilan upang hiwain ng holdaper ang kanyang leeg bago mabilis na tumakas.
Kahit sugatan, hinabol ng biktima ang suspek habang humihingi ng tulong na nakatawag pansin sa mga bystander at agad inireport ang insidente kay P/Cpl. Jomar Guiyab ng Sub-Station 9 at mga tanod ng Brgy. Maysan malapit sa lugar na nagresulta sa pagkakaaresto kay Guzman.
Narekober sa suspek ang cellphone ng biktima na nasa P6,000 ang halaga at ang ginamit na bread knife.
Muling pinaalalahanan ni Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura, Jr., ang publiko na mag-ingat at maging mapagmatyag laban sa iba’t ibang uri ng krimen lalo ngayong kapaskohan.
Kasong robbery-holdup with physical injury, at paglabag sa Batas Pambansa (BP) 6 ang isinampa laban kay Guzman sa Valenzuela City Prosecturo’s Office. (ROMMEL SALES)