HATAWAN
ni Ed de Leon
MABILIS na kumilos ang legal team ni Vhong Navarro para maihanda ang itinakdang P1-M piyansa para sa pansamantalang paglaya ng aktor. Madali naman nilang magagawa iyan dahil hindi naman sinabi ng korte na cash bond, kaya ibig sabihin maaari nilang idaan iyan sa isang bonding company na siyang mananagot sa korte at ang ibabayad nila ay 10 percent lang ng piyansan. Sa makatuwid P100,000 lamang. Matapos na mailagak sa korte ang bond at maayos ang mga papeles, palalayain na si Vhong mula sa city jail at makakasama niya sa Pasko ang kanyang pamilya.
Gayunman, maliwanag na sinabi ng korte na ang pagkakatakda nila ng piyansa kay Vhong ay hindi nangangahulugang mahina ang ebidensiya laban sa kanya. Maaaring umiral din naman ang humanitarian concerns ng korte dahil hindi naman pusakal na criminal si Vhong.
Nangangahulugan din iyan na mananatili siyang malaya sa buong panahon ng pagdinig sa kanyang mga kaso, at maaari lamang kulunging muli kung mapatutunayang nagkasala nga siya.
Sa panahon na siya ay naka-piyansa, kailangang ingatan din ni Vhong na masangkot siya sa iba pang gulo, na magiging dahilan para ang piyansa niya ay kanselahin ng korte. Hindi rin siya maaaring lumabas ng bansa nang walang pahintulot ng korte na siya ring magtatakda kung ilang araw siya maaaring manatili sa labas ng bansa.