AMINADO si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ang inflation rate ng bansa na 8 porsiyento ay masamang balita, dahil ito’y lumalaganap at hindi maawat.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), ang inflation o ang bilis ng pagtaas ng halaga ng mga bilihin at serbisyo ay tumaas ng 8 percent year-on-year noong Nobyembre, mas mabilis kaysa 7.7 percent noong nakaraang buwan.
“Unfortunately, although our growth rate looks healthy, our foreign exchange has become – our peso has become a little stronger relative to the other currencies, our unemployment rate is quite reasonable considering the situation. However, on the other side of that coin, there is still inflation that is running rampant and out of control,” sabi ni FM Jr., sa kanyang talumpati sa 11th Arangkada Philippines Forum 2022 sa Marriott Hotel sa Pasay City kahapon.
Iginiit ng Pangulo, ang imported inflation, o ang pagtaas ng presyo ng mga imported commodities, ang pangunahing dahilan ng pagtaas ng inflation sa bansa.
Muli niyang iginiit na ang import substitution ay isang magandang ideya hindi lamang para sa foreign exchange reserve kundi para mapanatiling mababa ang inflation rate.
Ipinahayag ni Marcos Jr., ang gobyerno ay nakatuon sa pagpapalakas ng paglago ng ekonomiya, na may pangkalahatang layunin na bawasan ang kahirapan at muling pasiglahin ang paglikha ng trabaho.
“Notably, the government exerts efforts to accelerate the country’s economic growth by further easing travel and mobility restrictions, implementing economic reforms, and improving economic cooperation with trade and investment partners,” aniya.
Binigyang diin ng Pangulo, ang kanyang administrasyon ay nagkakaisa sa pagtiyak na ang Filipinas ay magiging mainam na destinasyon para sa domestic at foreign investors.
Kaugnay nito, inihayag ng non-governmental organization na IBON Foundation, ang iniulat na 8% inflation noong Nobyembre ang pinakamataas sa loob ng 14 taon.
Anang IBON, ang paglobo ng inflation ay nagtutulak sa pagtaas ng halaga ng pamumuhay kaya’t dapat kagyat na ibigay ng pamahalaan ang hinihiling na umento sa sahod, sapat na ayudang pinansiyal at mga subsidyo para sa mga mahihirap at mahinang sektor. (ROSE NOVENARIO)