FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
LABINLIMANG TAON na ang nakalipas nang, sa bisa ng batas, ay itinatag ang National Rabies Prevention and Control Program upang tuluyan nang matuldukan ang human rabies pagsapit ng 2020 at ideklarang rabies-free ang Filipinas sa taong iyon. Taon-taon, inilalaan sa programa ang pondong nasa pagitan ng P500 milyon at P900 milyon – isang napakalaking halaga upang maisakatuparan ang layunin.
Gayonman, 322 Filipino ang namatay sa rabies ngayong taon, batay sa datos hanggang nitong Nobyembre 5. Tumaas ng 37 porsiyento mula sa bilang ng mga taong nasawi sa rabies sa parehong panahon noong 2021.
Suportado ng Firing Line si Quezon City 4th District Rep. Marvin Rillo sa pagsusulong niyang maimbestigahan ang kabiguan ng programa at mapanagot ang mga responsable sa hindi pagtupad sa mga nakalatag na targets.
* * *
Ilang taon nang ipinatutupad ang Fisheries Administrative Order (FAO) No. 195 Series of 1999. Pero ngayon lamang ito, sa ilalim ng administrasyon ni Marcos Junior, nakatanggap ng mga pambabatikos mula sa mga mambabatas, mula sa Ombudsman, at mula sa publiko.
Ito ay dahil nagpasya ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na maglunsad ng kampanya sa mga palengke kaugnay nito bilang dagdag-estratehiya sa pagpapatupad ng FAO 195. Ang resulta, sinamsam ng gobyerno ang mga isda mula sa puwesto ng masisipag na vendors na hirap na hirap na ngang kumita.
‘Nak ng tinapa naman, o! Dapat na bumabawi si BFAR Officer-In-Charge Demosthenes Escoto sa mga kakulangan ng kanyang boss, ang Agriculture secretary, at hindi ‘yung dumadagdag pa siya.
* * *
Batay sa huling taya ng World Health Organization, 90 porsiyento sa mundo ang hindi na ngayon tinatablan ng COVID-19 pero nagbabalang posible pa rin sumulpot ang isang bago at nakababahalang variant. Binigyang-diin nito na nasa 6.6 milyong katao na ang napatay ng COVID-19 sa buong mundo.
Dito sa Filipinas, 71.5 milyon sa 110 milyong populasyon ang fully vaccinated na. Ang mga benepisyo ng bakunang ito, ang estriktong pagsusuot ng mask, at ang pagtalima sa iba pang mga protocols ay napatunayan nang epektibo, sinasalamin ang ating kakayahang ibalik sa normal ang ating mga buhay nang walang mapaminsalang dagsa ng hawahan.
Ngayon ang ikalawang araw ng tatlong-araw na Bakunahang Bayan ng gobyerno, na pinanatiling libre ang mga bakuna at boosters kontra COVID-19, na maaaring makuha sa mga palengke, mall, eskuwelahan, simbahan, at iba pang pampublikong lugar. Kaya naman mas makabubuti sa mga pamilyang nagpaplanong mag-reunion ngayong Pasko ang magpabakuna, lalo ang mga senior citizens at silang may mga comorbidities.
* * *
Dahil nasa usapang bakuna na rin lang tayo, huwag nating kalimutan na umutang ang ating gobyerno ng $1.2 billion (nasa P67 bilyon) mula sa mga pandaigdigang lending institutions upang makabili ng COVID-19 vaccines, ang 40 milyong doses sa mga ito ay nasayang lang.
Ngayong sinusuri ng Commission on Audit (COA) ang mga procurement deals, mistulang nag-aalinlangan ang Department of Health (DOH) – na malinaw namang naiimpluwensiyahan pa rin ni dating Health Secretary Francisco Duque – na makipagtulungan dahil para bang iniipit nito ang mga dokumentong mahalaga sa pagsisiyasat ng COA sa pagbili ng mga bakuna.
Salamat kay Sen. Francis Tolentino, na inianunsiyo na ang isasagawang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa mga pagbiling ito ng bakuna, na dapat lang namang may transparency at malayang nasusuri ng publiko.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.