COOL JOE!
ni Joe Barrameda
NAPANOOD namin noong Miyerkoles ng gabi ang magkapatid na PJ Abellana at Jojo Abellana para i-promote ang Mamasapano. Ikinuwento nila ang hirap ng pinagdaanan nila habang nagsusyutingna nakabilad sila ng matagal sa init ng araw at may mga hinimatay pa. Mabuti at nalagpasan nila ang hirap.
Hindi pala nakakausap ni PJ ang anak na si Carla Abellana simula nang nagka-problema ito sa asawang si Tom Rodriguez. Mabuti pa si Tom at dumalaw sa father in law. In-assure raw naman ni PJ si Tom na kinikilala niya bilang anak ito dahi kasal sa anak niya.
Si PJ ay nandito lang naman at nakahandang pakinggan si Carla kung lalapitan siya para humingi ng payo. Alam kasi ni PJ na matatag si Carla at matalino. Bilang ama ay nasasaktan din si PJ sa pinagdaraanan ng anak pero hindi naman siya puwedeng makialam hanggang hindi humihingi ng payo ang anak.
Maski ang uncle na si Jojo ay naaawa at nag-aalala rin kay Carla. Minsan tinawagan niya ito at okey naman daw si Carla. Closè ako at ang pamilya nina PJ at Jojo dahil noong kasikatan ni PJ ay nakasama ko mga ‘yan na nakatira sa manager nila noong si Alfie Lorenzo sa Liberty Avenue sa Cubao.