TATLONG hinihinalang drug personalities, kabilang ang dalawang ginang ang kalaboso matapos makuhaan ng mahigit P.1 milyong halaga ng shabu sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Malabon city police chief P/Col. Amante Daro ang naarestong mga suspek na sina Joana Pabito, 48 anyos, Angelito Pabito, alyas Bugoy, 48 anyos, at Raquel Pelijates, 52 anyos, pawang residente sa Brgy. Longos.
Sa report ni Col. Daro kay Northern Police District (NPD) Acting District Director P/Col. Ponce Rogelio Peñones, dakong 4:30 am nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Alexander Dela Cruz ng planned buy-bust operation sa Alupihang Dagat, Brgy. Longos matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa sinabing illegal drug activities ng mga suspek.
Matapos tanggapin ang P500 marked money mula sa isang pulis na nagsilbi bilang poseur buyer kapalit ng isang plastic sachet ng hinihinalang shabu ay agad inaresto ng mga operatiba ang mga suspek.
Nakompiska sa mga suspek ang pitong heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng halos 16.45 grams ng hinihinalang shabu, may Standard Drug Price na P111,860.00, buy-bust money, cellphone, at coin purse.
Sasampahan ng pulisya ang mga suspek ng kasong paglabag sa Section 5 (Sale) in relation to Section 26 (Conspiracy) and Section 11 (Possession of Dangerous Drugs) Art II of RA 9165 (Otherwise Known as Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) sa Malabon City Prosecutor’s Office. (ROMMEL SALES)