HATAWAN
ni Ed de Leon
KUNG kailangan siyang maghubad at magpakita maging ng kanyang private parts, maaari siyang pumayag bilang isang actor, pero iyon ay kung talagang kailangan sa istorya, at hindi masasabing gagawin lang niya para maging “come on” para kumita ang pelikula.
Ganoon ang statement ni Jake Cuenca, na pumayag na ring makipag-lips to lips sa isang lalaki sa pelikula niyang My Father, Myself. Napapayag siya dahil una, iyan ang kanyang kauna-unahang festival movie na siya ang bida. Ikalawa, nagustuhan niya ang kuwento ng pelikula nang ipabasa sa kanya ang script. Ikatlo, aminado siyang humahanga siya sa mga obra ni direk Joel Lamangan. Ikaapat, hindi nga maiiwasang magamit ang eksenang iyon sa publisidad dahil iyon ang may bahid ng controversy, pero hindi iyon ang main point ng promo kundi ang content at kung paano ginawa ang pelikula.
In fact noong interview para kay Jake, bahagya lamang napag-usapan ang kissing scene na iyon, at ang iba pang maiinit na eksena. Kasi ang punto ng tanungan, ano ang kanilang maipanlalaban na binigyan nga sila ng R-18 classification, na ang maliwanag na ibig sabihin, limitado ang kanilang audience at hindi sila mailalabas sa
ibang sinehan.
Si Jake naman, nagpa-sexy na iyan noong araw eh. Hindi nga ba’t siya ang isa sa inaabangang models noon sa isang underwear fashion show ng isang local garment manufacturer, pero nagpa-sexy lang siya, wala siyang ginawang kahalayan. Hindi siya gaya ng iba na gumagawa ng sex video. Hindi rin naman iyon makalulusot sa manager niyang si Neil de Guia, relihiyosong tao rin iyon eh. At saka ano pa ba naman ang kailangang patunayan ni Jake, ngayon lang siya naging bida pero kinikilala na siyang isang actor.