INARESTO ang isang mister nang madiskubreng may nakabinbing siyang warrant of arrest habang kumukuha ng national police clearance sa Valenzuela City.
Kinilalala ang akusado, nasa talaan ng most wanted persons (MWP) na si Ralph Joseph Alejandrino, 35 anyos, residente sa Brgy. Balangkas ng nasabing lungsod.
Kaugnat nito, pinapurihan ni Northern Police District (NPD) Acting District Director P/Col. Ponce Rogelio Peñones, Jr., si Valenzuela City police chief P/Col. Salvador Destura, Jr., sa pagkakahuli sa suspek.
Sa ulat ni Col. Destura, kumuha ng national police clearance si Alejandrino sa Valenzuela City Police Station sa Mc-Arthur Highway, Brgy. Karuhatan ngunit nang beripikahin ay nadiskubreng mayroon siyang nakabinbing warrant of arrest.
Alinsunod sa kampanya ng PNP kontra wanted persons, kaagad isinilbi ng mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Valenzuela police sa pangunguna ni P/Lt. Ronald Bautista, kasama ang 5th MFC, RMFB, NCRPO isang warrant of arrest in relation to S.A.F.E. NCRPO na nagresulta sa pagkakaaresto kay Alejandrino dakong 11:30 am.
Ani P/Lt. Bautista, si Alejandrino ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Paulino Quitoras Gallegos ng Regional Trial Court (RTC) Branch 47, Manila City sa anim na kaso ng paglabag sa National Internal Revenue Code of 1997 as amended by R.A. 8424). (ROMMEL SALES)