FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
NANANATILING kompiyansa ang Department of Finance (DOF) na bababa ang debt ratio ng gobyerno sa ilalim ng administrasyong Marcos kahit pa tumaas ito noong third quarter.
‘Yan ang kompiyansa na lumulusot sa makapangyarihang Commission on Appointments! Tama ba, Secretary Ben Diokno? Tingin ko, kulang pa sa yabang ang mga journalist, Sec. Erwin.
* * *
Sinabi ni National Security Adviser Clarita Carlos na ang huling insidente sa pagitan ng China Coast Guard (CCG) at Philippine Navy (PN) malapit sa Pagasa Island ay nagdulot ng alinlangan sa sinseridad ni Chinese President Xi Jinping na ayusin sa payapang paraan ang alitan sa teritoryo ng dalawang bansa.
Hindi na bago ‘yan, madam. Sangkatutak nang protesta ang inihain ng ating Department of Foreign Affairs (DFA) na maliwanag na nagbibigay-diin sa kawalan ng sinseridad ng China. Kaya pakipaalala na lang ‘yan kay Pangulong Bongbong Marcos sa pagbiyahe niya papuntang Beijing para sa doble-karang imbitasyon ni Xi sa kanya.
* * *
Hindi sumipot ang suspendidong si BuCor Director-General Gerald Bantag sa preliminary investigation hearing noong nakaraang linggo dahil sa solidong depensa na ipinunto ng kanyang abogado: Ang subpoena na ipinalabas ng Department of Justice (DOJ) prosecutor para sa isang Gerald Bantag ay may ibang middle name, “Soriano.” Ibig sabihin, hindi ang kontrobersiyal na si Bantag ang binigyan ng subpoena.
Ganito na ba “ka-wow, mali” ang DOJ ngayon, Secretary Boying Remulla?
Kaya naman pala hindi man lang matukoy nang tama ng mga awtoridad ang pangalan ni Jun Villamor!
* * *
Nitong nakalipas na linggo rin, nahukay ang ilang kalansay ng tao sa bakuran ng DOJ sa Maynila habang nagtatrabaho ang ilang construction workers sa lugar na pagtatayuan sana ng bagong prosecution building. So, kaagad na nag-utos ng imbestigasyon si Secretary Remulla. Ang pagkakadiskubre ng mga kalansay ng tao na matagal nang nakabaon ay hindi sinasadyang nahukay sa bakuran ng DOJ ay hindi na ikinagulat ng forensic expert na si Dr. Raquel Fortun, na dati nang nag-tweet na ilang bangkay na rin ng mga biktima ng World War II ang nahukay noon sa lugar.
Pero para sa maraming Filipino netizens na nagkomento sa balitang ito, hindi na kagulat-gulat ang nangyari, lalo sa panahong kombinyente na lang para sa ating DOJ ang ipagkibit-balikat ang libo-libong biktima ng extrajudicial killings na may kaugnayan sa “war on drugs” ng nakalipas na administrasyon.
* * *
Nasa maling lugar si Philippine Amusement and Gaming Corp. Senior Manager Renfred Tan nang ibandera niya ang tungkol sa ambisyosong target na palakihin ng kita ng industriya ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) hanggang P10 bilyon pagsapit ng 2027.
Kaya hindi niya nagawa, o maging ng iba pang opisyal ng PAGCOR na dumalo sa pagdinig ng Senado noong nakaraang linggo, na makapagbigay ng deretsong sagot sa hiling ni Sen. Sherwin Gatchalian na magpresenta sila ng datos sa pandaigdigang kita ng online gaming, sa mga lugar kung saan matatagpuan ang mga kliyente ng POGO, at ang bilang ng mga trabahong maaaring madagdag sakaling tumaas pa ang kita ng industriyang ito.
Tinapos na lang ni Gatchalian ang palabas, sinabing ang ambisyosong “POGO roadmap” ng PAGCOR ay isa lamang daw “toilet paper.”
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.