ARESTADO ang isang lalaki na nakatala bilang rank 10 most wanted person (MWP) sa kasong rape ng Police Regional Office (PRO) 8 ng mga operatiba ng District Special Operation Unit ng Northern Police District (DSOU-NPD) sa isinagawang manhunt operation sa Apalit, Pampanga.
Kinilala ni NPD Acting District Director P/Col. Ponce Rogelio Peñones, Jr., ang naarestong suspek na si Ruel Quizol, alyas Rowel, 28 anyos, residente ng San Juan Apalit, Pampanga.
Ayon kay Col. Peñones, nakatanggap ang mga operatiba ng DSOU sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Col. Erosito Miranda ng impormasyon na naispatan ang presensiya ni Quizol sa Apalit, Pampanga.
Kasama ang NDIT RIU-NCR, PIU, 2nd LPMFC, Villaba MP-Leyte PPO, DID-NPD, WCPD-NPD at Apalit MPS ay agad nagsagawa ang mga operatiba ng DSOU sa pangunguna ni P/Major Joseph Ulfindo at P/Capt. Melito Pabon ng joint manhunt operation na nagresulta sa pagkakaaresto kay Quizol sa San Juan, Apalit, Pampanga dakong 11:30 am. Si Quizol, miyembro rin ng “Limos Carnapping Group” ay inaresto ng mga pulis sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Dexter Lazarte Aguilar ng Regional Trial Court (RTC) Eight Judicial Region Branch 17 ng Palompon, Leyte, para sa kasong Statutory Rape. (ROMMEL SALES)