HATAWAN
ni Ed de Leon
ISANG “insider” ang nagkuwento sa amin, simula raw nang dumating sa Camp Bagong Diwa ang komedyanteng si Vhong Navarro, wala iyong kibo. Wala naman kasi siyang makausap habang naka-quarantine, kundi siguro iyong mga nagbabantay sa kanya na sa dami rin ng binabantayan, hindi naman pwedeng laging nasa kanya.
Sabi ng aming source, “halatang depressed si Vhong.” Siguro naman hindi na tayo dapat na magtaka kung ganoon man. Siguro hindi naman naisip ni Vhong na makukulong siya nang ganyan katagal, at ni sa pangarap naisip ba niyang mapapasok siya sa city jail? Tapos ngayon, sino nga ba ang nakatitiyak kung hanggang kailan siya sa city jail, eh ibinasura na rin ng CA ang kanyang petition for bail. Isasampa pa ba nila ang petition for bail sa Korte Suprema, eh ni hindi pa nga nagsisimula sa RTC ang pagdinig sa kaso?
Ang pag-asa riyan ni Vhong ay mapatunayang mahina ang ebidensiya laban sa kanya sa kasong rape, at kung mangyayari iyon baka sakaling payagan siyang makapag-piyansa. Hindi kasi umubra ngayon ang ilang opinion na lumalabas lamang naman sa social media, hindi gaya noong nagsisimula ang kaso na obviously nasuportahan siya ng ABS-CBN, at nakuha niya ang simpatya ng publiko. Kaya nga maski mga prosecutor at ang DOJ mismo, dismissed ang kanyang kaso at ang naipakulong niya nang walang bail ay si Deniece Cornejo. Umapela si Cornejo, at nabaliktad ang sitwasyon. Sinabi ng CA na mali at wala sa kapangyarihan ng prosecutor at DOJ ang pagdi-dismiss ng ganoong kaso.
Talagang magkakaroon nga ng depression si Vhong lalo’t ilang araw na lang ay Pasko na. Isipin mo naman iyong Paskong nakakulong ka. Kawawa rin ang nangyari kay Vhong pero hayaan nating umiral ang takbo ng hustisya. Kailangang kumilos ang kanyang legal team. Wala na siyang maaasahan ngayong iba.