BAGSAK sa kulungan ang dalawang most wanted persons (MWPs) matapos masakote sa magkahiwalay na manhunt operation ng pulisya sa mga lungsod ng Caloocan at Valenzuela.
Ayon kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Ponce Rogelio Peñones, Jr., alinsunod sa kampanya ng PNP kontra wanted persons, nagsagawa ang mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Caloocan police sa pangunguna ni P/Major Jeraldson Rivera, kasama ang 4th MFC RMFB, NCRPO ng joint manhunt operation sa Arayat St., Dolmar 2. Golden Hills Subdivision, Brgy. 168, Deparo 1, Caloocan City na nagresulta sa pagkakaaresto sa isang most wanted person dakong 4:30 am.
Kinilala ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta ang suspek na si Sebastian James Biglang-awa, 19 anyos, residente sa Brgy. 168, Deparo 1, ng nasabing lungsod.
Si Biglang-awa ay dinakip sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Rosalia I. Hipolito-Bunagan ng Regional Trial Court (RTC) Branch 232, Caloocan City para sa kasong Rape.
Sa Valenzuela City, natimbog din ng mga operatiba ng WSS ng Valenzuela police sa pangunguna ni P/Lt. Ronald Bautista sa manhunt operation in relation to SAFE NCRPO sa McArthur High-way, Brgy. Karuhatan dakong 3:00 pm ang isa pang most wanted person (MWP) na kinilalang si Melvin Magnifico, 54 anyos, residente ng Lot 5 Blk. 10 Phase 5, PerIsland Malinis St., Brgy. Lawang Bato.
Sa ulat ni Valenzuela City police chief P/Col. Salvador Destura Jr., si Magnifico ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inisyu noong 7 Marso 2017 ni Judge Maximino R. Ables ng Regional Trial Court (RTC) Branch 47, Masbate City para sa kasong Murder at walang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang kalayaan ng akusado. (ROMMEL SALES)