Friday , November 15 2024

Bigyang-pugay ang bagong BIR chief

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

NABABAHALA sa walang kahirap-hirap na pagkakaroon ng access ng mga bilanggo sa lahat ng klase ng kontrabando sa New Bilibid Prison (NBP) kapalit ng pera, inihain ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers ang House Bill No. 6126 (“Anti-Proliferation of Contraband in Prison Act of 2022”) noong nakaraang linggo.

Nakita ng butihing chairman ng House Committee on Dangerous Drugs ang pangangailangan sa panukalang ito upang matugunan ang sari-saring pag-abuso sa loob ng correction facility, ang korupsiyon ng jail officials, at maging ang paggawa ng seryosong mga krimen, tulad ng pagbebenta ng ilegal na droga at hired killing, sa tulong ng mga puslit na communication devices.

Saludo kay Rep. Ace Barbers! Maganda ang panukalang ito, gamitin ang modern devices upang maiwasan ang pagpupuslit ng mga kontrabando at ang kalayaan ng mga bilanggo na magsagawa ng mga transaksiyon para gumawa ng krimen. Sana mayroon din tayong device na kayang mag-scan ng mga corrupt na tauhan at opisyal ng mga bilangguan. Pinakahihintay natin ang araw na ‘yun.

*              *              *

Usapang Kamara pa rin noong nakaraang linggo, inaprobahan ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms ang HB No. 488, ang panukalang Act Strengthening the Political Party System – na mas kilala bilang “Anti-Balimbing Bill.”

Ang ‘balimbing,’ siyempre pa, ay tumutukoy sa mga “papalit-palit ng partido at alyansang politikal.” Sa Filipinas lang may gumagawa ng ganito, lalo na bago ang panahon ng pangangampanya kung kailan nagkakatugma-tugma ang mga politikal at pinansiyal na interes, at ilang araw pagkatapos ng eleksiyon, sangkatutak na politiko ang naglilipatan sa panig ng nahalal.

Ang panukala, na inakda ni former president-turned-Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo, ay makabubuti para sa bansa na ilang dekada nang pinepeste ng kawalan ng paninindigan at ideolohiya ng mismong mga opisyal na dapat sana’y nag-aangat sa ating bansa upang maging matagumpay.

Naaliw lang ako, sa dinadami-rami ba naman ng makaiisip at magsusulong ng panukalang ganito, sa taong iyon pa talaga manggagaling.

*              *              *

Nitong Huwebes, Nobyembre 17, humingi ng paumanhin ang San Miguel Corporation (SMC) sa lahat ng motoristang naapektohan ng matinding trapikong idinulot ng biglaang network outage sa electronic toll collection (ETC) system sa ilang bahagi ng South Luzon Expressway (SLEX), Skyway, NAIAX (NAIA Expressway) at STAR (Southern Tagalog Arterial Road) Tollway.

Pero hindi lang iyon simpleng pagso-sorry. Sa halip, inianunsiyo ng SMC Infrastructure na hindi na nito siningilan ng toll ang aabot sa 84,000 motoristang naperhuwisyo ng trapiko.

Ito ay isang perpektong halimbawa ng pagpapamalas ng social responsibility ng isang kompanya. ‘Di lang puro kita and nasa utak. Nagpaparaya rin at humihingi ng dispensa sa publiko. Pogi points ‘yan para sa San Miguel!

*              *              *

Sa dinami-rami ng matataas na posisyon sa gobyerno na nag-aabang pa rin ng pinakamahuhusay na mangangasiwa at ehekutibo, mas pinili ni President Marcos na palitan ang pinuno ng Bureau of Internal Revenue (BIR).

Pagkatapos niyang mahalal sa pagkapresidente, itinalaga ni Bongbong Marcos si Lilia Guillermo, isang dating BIR deputy commissioner at dating assistant governor ng Bangko Sentral ng Pilipinas, bilang pangunahing komisyoner ng BIR. Bakit kaya bigla na lang niyang pinalitan si Guillermo ng deputy nito na si Romeo Lumagui, Jr.?

Dahil kaya si Guillermo, nang bagumbago pa lang sa puwesto noong Hunyo, ay nangakong kokolektahin ang utang na estate tax ng mga Marcos kapag nakompleto na ang ‘proper computation’? O dahil kaya ang misis ni Lumagui, ang abogadong si Carmela Esquivas-Lumagui, ay trusted aide ni First Lady Liza Araneta-Marcos?

Sa palagay ko, parehong tama ang sagot!

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …