ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
IPINAHAYAG ni Sean de Guzman ang kagalakan sa pagkakasali ng pelikula nilang My Father, Myself sa annual Metro Manila Film Festival na magsisimula sa December 25.
Aminado siyang ipinagdasal na makapasok sa MMFF ang pelikula nila na tinatampukan din nina Jake Cuenca, Dimples Romana, Tiffany Grey, at mula sa pamamahala ng premyadong direktor na si Joel Lamangan.
Wika ng guwapitong aktor, “Natuwa at nagpasalamat po ako sa Itaas dahil ipinagdasal namin iyon, na makapasok kami sa MMFF at dahil inaalay namin iyon sa Itaas.
“At sa mga manonood, salamat po sa sususporta sa tinatalakay at sinasabi ng pelikula.”
Masasabi ba niyang early Christmas gift ito sa kanya? Esplika ni Sean, “Actually hindi naman, kasi kahit ‘di pa naman paparating ang Pasko, nakakatanggap pa rin po tayo ng biyaya galing sa Kanya, Pero isa po ito sa mga highlight ng taon ko at sa mga tao po na naging parte ng film na My Father, Myself.”
Nabanggit din niyang excited siya dahil first time niyang magkaroon ng entry sa MMFF. “Yes, sobrang excited, lalo na first time ko makakalahok sa mga ganitong patimpalak sa larangan ng sining dito sa Filipinas, kaya nakakakaba rin,” nakangiting wika pa ng alaga ni Ms Len Carrillo.
Ang My Father, Myself ay mula sa panulat ni Quinn Carrillo at under ng 3:16 Media Network ni Ms. Len Carrillo at Mentorque Productions ni Bryan Dy.
Samantala, kasalukuyang tinatapos ni Sean ang isa pang obra ni Direk Joel, ang Sa Kanto ng Langit at Lupa na mula sa panulat nina Michael Angelo Dagnalan and Ma-an Asuncion Dagnalan. Bukod kay Sean, tampok dito sina Quinn Carrillo, Rob Guinto, Royce Cabrera, Marco Gomez, Jiad Arroyo, at iba pa.