PINARANGALAN ng pamahalaang lungsod ng Valenzuela ang anim na centenarian sa pangunguna ni Mayor Wes Gatchailan at Dorothy Evangelista, head ng Office of The Senior Citizens Affair (OSCA), City Social Welfare and Development Office (CSWDO).
Pinagkalooban ng tig-P50,000 ang bawat centenarian mula sa pamahalaang lungsod bilang bahagi ng taunang seremonya tuwing buwan ng Oktubre, kasabay ng pagdiriwang ng Elderly Filipino Week.
Bukod sa Republic Act No. 10868 na kilala rin bilang “Centenarian Act of 2016” na nag-uutos bigyan ang mga centenarian ng halagang P100,000, ang pamahalaang lungsod ng Valenzuela ay nagbibigay ng P50,000 bilang karagdagang insentibo para sa mga centenarian.
Ito ay nasa ilalim ng Ordinansa Blg. 300, Serye ng 2016, o ang “Centenary Ordinance of Valenzuela City” na inamyendahan ng Ordinance No. 652, Series of 2020, na nagtataas ng cash incentive mula P20,000 hanggang P50,000 para sa bawat centenarian na kanilang matatanggap tuwing buwan ng Oktubre.
Ang mga centenarian na nakatanggap ng P50,000 cash incentive ay sina Alvenida Gregoria, 100 anyos, ng Barangay Ugong; Kam Ang, 102 anyos, ng Barangay Karuhatan; Bernarda Liwanag, 102 anyos, ng Barangay Karuhatan; Lourdes Miranda, 102 anyos, ng Barangay Malinta; Apolonia De Josef, 102 anyos, ng Barangay Mapulang Lupa; at Matus Marta, 103 anyos, ng Barangay Wawang Pulo.
Nakatanggap din ang mga centenarian ng food at grocery toiletries mula sa Alliance of Senior Citizens of Valenzuela City.
Naghahanda ang CSWDO at OSCA ng “Pamaskong Handog para kina Lolo at Lola 2022” na taunang tradisyon ng pamahalaang lungsod ng Valenzuela, na may mahigit 60,000 ang rehistradong senior citizens ang kinilala. (ROMMEL SALES)