BAGSAK sa kulungan ang dalawang lalaking listed bilang most wanted sa Valenzuela City matapos maaresto sa magkahiwalay na manhunt operation ng pulisya kaugnay ng SAFE NCRPO sa naturang lungsod.
Kinilala ni Valenzuela City police chief, Col. Salvador Destura Jr., ang naarestong suspek na si Jino Gabriel Yu, 18 anyos, residente sa Brgy. Ugong.
Ayon kay Col. Destura, alinsunod sa kampanya ng PNP kontra wanted persons, nagsagawa ang mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Valenzuela police ng manhunt operation dakong 5:35 pm sa pangunguna ni P/Lt. Robin Santos na nagresulta sa pagkakaaresto kay Yu sa JB Juan St., Brgy. Ugong.
Ani P/Lt. Santos, si Yu ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Mateo B. Altarejos ng Family Court Branch 16, Valenzuela City, sa kasong paglabag sa Section 5(B) of RA 7610 (3 counts).
Sa Brgy. Gen T De Leon, nalambat ng mga tauhan ng Sub-Station 2 at WSS sa joint manhunt operation sa Sitio Kabatuhan Compound 2, dakong 10:20 am ang isa pang most wanted sa lungsod.
Kinilala ni SS2 commander P/Major Randy Llanderas ang naarestong akusado na si Jimmy Melanio, 43 anyos, residente sa Brgy. Gen T. De Leon.
Si Melanio ay dinakip sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Orven Kuan Ontalan ng Regional Trial Court (RTC) Branch 285, Valenzuela City, sa kasong paglabag sa Section 5 (Sale), at Section 11 (Illegal Possession of Dangerous Drug) Art. II of RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
Pinuri ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Ponce Rogelio Peñones, Jr., ang Valenzuela police sa pamumuno ni Col. Destura dahil sa matagumpay na operation kontra wanted persons. (ROMMEL SALES)