INARESTO ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang dalawa katao, kinabibilangan ng isang dayuhan, kapwa wanted dahil sa kasong online swindling/estafa sa isang operasyon sa Bacoor, Cavite kamakalawa.
Kinilala ni QCPD Director, P/BGen. Nicolas Torre III ang mga suspek na sina Ikenna Onuoha, 37, isang Nigerian; at Jacel Ann Paderan, 28, kapwa residente sa isang subdibisyon sa Molino 1, Bacoor, Cavite.
Ang mga suspek ay sinabing nakatangay ng mahigit P2 milyon mula sa Pinay na nakilala ng dayuhan sa isang online dating app.
Ayon kay Torre, ang mga suspek ay inaresto dakong 5:45 pm sa Almera St., ng naturang subdibisyon, ng pinagsanib na mga operatiba ng Quezon City – District Anti-Cybercrime Team/Quezon City – Cyber Patrol Unit (QC-DACT/QC-CPU) sa ilalim ng pamumuno ni Officer-In-Charge (OIC) P/Lt. Michael Bernardo, katuwang ang District Special Operation Unit (DSOU) na pinamumunuan ni P/Lt. Col. Rolando Lorenzo, Jr.
Nabatid, ang mga akusado ay kapwa mayroong nakabinbing warrant of arrest para sa swindling/estafa na inisyu ni Hon. Maria Gilda Loja-Pangilinan, Presiding Judge, Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 230.
Nag-ugat ang pag-iisyu ng warrant of arrest sa reklamo ng isang Pinay na nakilala ni Onuoha, sa dating site na ‘MeetMe.’
Nakipagrelasyon umano ang suspek sa biktima noong Abril 2020 ngunit itinago ang kanyang tunay na identidad, at sa halip ay nagpakilala bilang si Demir Balik.
Sa panahon ng kanilang pakikipagrelasyon, sinabi umano ni Onuoha sa biktima na uuwi siya ng Filipinas, ngunit humingi ng tulong pinansiyal mula sa biktima dahil ang kanyang online banking account ay nagkaproblema.
Sinabihan umano ng dayuhan ang biktima na magpadala ng pera sa isang alyas Mohammed na malaunan ay natukoy na si Paderan pala.
Nagpadala umano ang biktima ng P254,000 kay Paderan, na idineposito nito sa kanyang RCBC account, upang maayos ang ‘problema’ sa account ni Onuoha.
Sa kabila nito, patuloy umanong nanghihingi ng pera ang dayuhan sa biktima, hanggang maibenta ang kanyang ari-arian upang makapagpadala lamang ng pera sa suspek.
Sinasabing umaabot sa kabuuang P2,282,000 ang halaga ng pera na natangay ng mga suspek mula sa biktima.
Noong 15 Hulyo 2020, dumating ang suspek sa Cebu International Airport, ngunit isang ‘Stephanie Evangelista’ ang tumawag sa biktima at humihingi ng P650,000 bilang bayad sa Certificate of AMLAC upang mai-release umano ang pera ng suspek na $1,000,000.
Dito nagduda ang biktima at kaagad inireport sa pulisya ang insidente.
Kaugnay nito, may paalala si P/BGen. Torre sa publiko na mag-ingat sa mga taong nakikilala nila sa mga online dating app.
“Pinaaalalahanan ko ang ating mga QCitizens na mag-ingat sa mga nakikilala sa online dating app. Maging mapanuri at huwag magpapaloko lalo na kung involved ang pera. Gamitin ang isip, at huwag puro puso,” anang heneral. (ALMAR DANGUILAN)