KAHIT Undas ay hindi tumigil ang pulisya sa Bulacan sa pagbibigay ng proteksiyon sa mga mamamayan gaya ng pagkakaaresto sa dalawang most wanted persons sa serye ng anti-criminality drive sa lalawigan nitong Martes, 1 Nobyembre .
Sa ulat na isinumite kay P/Col. Relly Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, nadakip ang dalawang most wanted persons sa magkahiwalay na manhunt operations na isinagawa ng tracker teams ng Meycauayan CPS at Sta. Maria MPS.
Kinilala ang unang naaresto na si Jefferson Caballero, most wanted person sa provincial at city level ng Meycauayan, at residente sa Brgy. Camalig, sa naturang lungsod.
Kasalukuyang nakapiit si Caballero sa Meycauayan CPS Jail sa dalawang bilang ng kasong paglabag sa RA 7610 (Anti-Child Abuse Law).
Sumunod na naaresto ang suspek na kinilalang si Reynald Villar ng Brgy. Caypombo, Sta. Maria, most wanted person ng Imus, Cavite.
Dinakip si Villar sa kasong Sexual Assault kaugnay ng RA 7610, at Lascivious Conduct sa ilalim ng Sec 5(b) ng RA 7610, at Rape.
Nakadetine ngayon sa Sta. Maria MPS Jail ang suspek at hinihintay ang mga kinauukulang dokumento upang mailipat sa lugar kung saan niya isinagawa ang krimen. (MICKA BAUTISTA)