RATED R
ni Rommel Gonzales
ISA si Kokoy de Santos sa talagang tinitilian ng fans saan man siya magpunta. Kapag may mall show na kasama siya, madalas na isa siya sa may pinakamalakas na hiyawan mula sa fans, tulad na lamang sa mall show nila para sa Running Man Ph.
Sa palagay niya, bakit ganoon na ang karisma at atraksiyon niya sa mga tao, lalo na sa mga teenager?
“Blessed lang ni Lord,” ang nakangiting unang reaksiyon ni Kokoy.
May mga nagsasabi, mapagmahal kasi si Kokoy sa kanyang fans, sa kanyang mga “Kolokoy.”
“Mahal ko talaga sila. Kasi bilang ako nga fan din ako, marami rin akong hinahangaan and ‘yung feeling na ‘pag napapansin ako ng hinahangaan ko parang ano siya eh, ibang klaseng experience.
“Parang lifetime mo siyang bibitbitin so, ako bilang andito ako sa posisyon ko ngayon na may mga tagahanga naman kahit paano, as in ang mga Kolokoy ko, papansinin ko sila.
“Kung kaya ko lang silang isa-isahin. Pero hindi kaya eh, hindi talaga kaya,” at natawa si Kokoy. “So hangga’t maaari nag-e-engage ako sa kanila lagi lalo na kapag in person, sa social media hindi rin masyado eh, ‘di ba?
“So bakit hindi, ‘di ba? As a fan,” ang nakangiting sinabi pa ni Kokoy.
Nabanggit ni Kokoy na siya man ay isang fan, sino ba ang mga iniidolo niya?
“Marami! Well sa basketball na lang, nandito tayo ngayon sa court, fan na fan ako ni Lebron James, ni Michael Jordan.”
Nakausap namin si Kokoy nitong Sabado, October 15 sa GMA/NCAA All-Star Celebrity Basketball sa FilOil EcoOil Center sa San Juan.
Bukod kay Kokoy, naglaro rin ang mga Sparkle/Kapuso stars sa Start-Up PH na si Jeric Gonzales, Prince Clemente, Kirst Viray, Jose Sarasola, at ang mga PBA legends na sina Marlou Aquino at Willie Miller at ang muse nilang si Shaira Diaz. Nasa ibang koponan naman sina Pancho Magno, Migs Villasis, Raheel Bhyria at ang mga PBA legend na sina Jerry Codiñera at Allan Caidic at ang muse nilang si Lianne Valentin at ang mga NCAA athlete. Dumalo rin ang GMA RTV & Synergy First VP and Head na si Oliver Amoroso.