BAGSAK sa kulungan ang isang mister na wanted sa kasong carnapping sa Maynila matapos masakote ng pulisya sa joint manhunt operation kaugnay ng SAFE NCRPO sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Navotas City police chief, Col. Dexter Ollaging ang suspek na si Marvilo Paredes, 58 anyos, residente sa Sitio Puting Bato, Brgy. North Bay Boulevard South (NBBS) Proper, ng nasabing lungsod.
Ayon kay Ollaging, nakatanggap ang mga operatiba ng Station Intelligence Section (SIS) ng Navotas police ng impormasyon na naispatan ang suspek sa Brgy. Bay Boulevard North kaya nagsagawa ng validation.
Nang positibo ang ulat, kaagad nagsagawa ang mga operatiba ng SIS, Warrant Section, TMRU at SRU sa pangunguna ni P/Lt. Luis Rufo Jr., ng joint manhunt operation alinsunod sa kampanya ng PNP laban sa mga wanted persons na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado dakong 3:55 pm sa C-4 Road, Brgy. BBN habang nagmamaneho ng taxi.
Ani P/Lt. Rufo, si Paredes ay dinakip sa bisa ng warrant of arrest na inisyu noong 23 Oktubre 2019 ni Judge Tita Bughao Alisuag ng Regional Trial Court (RTC) Branch 01, Manila sa kasong paglabag sa RA 10883 (New Anti-Carnapping Act of 2016). (ROMMEL SALES)