SA GITNA ng kakulangan sa supply ng bigas sa bansa, hinimok ng dating Kalihim ng Kalusugan at ngayon ay Iloilo Rep. Janette Garin ang Kagawaran ng Sakahan at ang mga kainan sa bansa na gamitin ang kamote bilang kapalit ng kanin at french fries.
Inatasan ni Garin ang Department of Agriculture (DA) na palakasin ang produksiyon ng kamote habang hinimok ang mga restaurant at karinderya sa buong bansa na gawing alternatibo sa isinisilbing kanin ang kamote.
Ayon kay Garin hindi dapat kalimutan na malaking bahagi ng malnutrisyon ay “self-inflicted” o gawa rin ng may sariling katawan, upang matugunan ito, panahon na para magkaroon ng food alternatives gaya sa kanin.
“Hindi na dapat ‘Rice is life.’ We call on restos to use kamote as alternative to rice and use kamote as French Fries. What we need now is kitchen innovations,” paliwanag ni Garin.
Sinabi ni Garin, kung may food option sa mga menu ng mga restaurants lalo pagdating sa kanin ay tiyak na simula na rin itong magugustohan ng mga Pinoy.
“Kamote is more filling and suppresses hunger pangs longer. Rice cannot match the nutritional values of kamote because rice converts to sugar in the body, that makes one vulnerable to diabetes. Too much rice consumption can make you sick but kamote can bring you to health and keep away some health problems and these have been proven medically, kamote lowers hypertension, bad cholesterol and even blood sugar when eaten as substitute to rice,” pahayag ni Garin na isang doctor.
Ani Garin, sa ibang bansa gaya ng South Korea, Japan, at Estados Unidos, itinuturing ang kamote bilang super food at kabilang ito sa kanilang pang-araw araw na diet habang sa Filipinas na may malaking produksiyon ng kamote ay isinasantabi lamang ito.
Sinabi ni Garin, panahon na para tutukan at i-promote ng DA ang kamote bilang alternatibo sa kanin, aniya, 2011 pa nang simulang isulong ng DA ang kamote bilang rice alternative nngunit hindi ito nagtagumpay dahil sa mahinang promosyon.
“Ngayon na may problema sa supply ng bigas at idinurugtong din ang mataas na konsumo ng kanin sa pagkakaroon ng Type 2 diabetes ng mga Pinoy sinabi ni Garin na panahon na para bantayan ang diet at kung maaari ay iwasan ang masyadong maraming kanin.
Iminungkahi ni Garin, upang makamit ang kamote bilang rice alternative ay dapat tutukan, una ng DA ang pagbalangkas ng mga programa para mapataas ang produksiyon ng kamote habang ipinapanukala rin nitong bigyan ng insentibo ang mga restaurants na gagamit ng kamote bilang pamalit sa kanin o sa French fries. (GERRY BALDO)