NASUKOL sa ikinasang entrapment operation ng mga awtoridad ang dalawang tauhan ng Pasig PNP at dalawang sibilyan na hinihinalang magkakasabwat na sangkot sa ilegal na droga sa Brgy. San Miguel, lungsod ng Pasig nitong Lunes ng gabi, 24 Oktubre.
Kinilala ng Integrity Monitoring and Enforcement Action Team (IMEAT) ang mga nadakip na suspek na sina P/SMSgt. Michael Familara, 47 anyos; P/Cpl. Nathaniel San Buenaventura, 30 anyos, kapwa nakatalaga sa Sub-Station 7, Station 2 (Pasig) ng Eastern Police District; at dalawang sibilyang pinaniniwalaang kanilang kasabwat na sina John Carlo Zapanta at Carl Anito sa kasong robbery extortion at paglabag sa RA 10591 at RA 9165.
Nabatid, naunang nahuli ng mga suspek na pulis si Maricel Banta, 38 anyos, sa kasong paglabag sa RA 9165 nang pasukin sa kanyang bahay dakong 11:00 pm noong 18 Oktubre.
Sa salaysay ni Banta, kinuha ng mga suspek ang laman ng alkansiya ng kanyang anak na nagkakahalaga ng P10,000 saka siya dinala sa paligid ng Pasig Police Station ngunit hindi naman siya umano ikinulong ng mga humuli sa kanya.
Ayon sa reklamo sa pulisya ni Banta, hinihingan siya ng mga suspek ng P100,000 na bumaba sa P10,000 sa pamamagitan ng GCash kapalit ng hindi na siya sasampahan ng kaso.
Naghulog si Banta noong 19 Oktubre ng umaga ng halagang P6,000 sa pamamagitan ng GCash saka siya dinala sa kanyang bahay upang maibigay ang kulang niyang P4,000.
Narekober ng mga operatiba ng IMEAT, 35th SAC, 3SAB, Special Action Force, at Pasig PNP NCRPO mula sa mga suspek ang apat na P1,000 buy-bust money; isang maliit na sachet ng shabu; isang 9mm pistol na may magasin, bala, kalibre .45 (airsoft), isang Mio Yamaha motorcycle; at apat na cellphone. (EDWIN MORENO)