NAGTAPOS at nakompleto ng apat na pangkat ng mga Bulakenyong magsasaka at mangingisda ang kanilang season-long Farmers’ Field School (FFS) at mga kurso ng pagsasanay; nakakuha ng karagdagang kaalaman upang doblehin ang kanilang ani; at tumanggap ng kanilang katibayan sa ginanap na Mass Graduation Ceremony sa Bulacan Capitol Gymnasium, lungsod ng Malolos.
Pahayag ni Gobernador Daniel Fernando, buo ang suporta ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan sa mga aspirasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na Kalihim rin ng Kagawarang Pang-agrikultura, na patibayin ang industriya ng pagsasaka sa bansa.
Aniya, hinigpitan niya ang pagbabantay sa reklasipikasyon ng mga lupang agrikultura sa lalawigan na ginagawang komersiyal dahil parami nang parami ang mga lupang kahit produktibo ay ibinibenta ng mga may-ari.
“Nakita naman natin, ano ang naging mahalaga noong pandemya? Pagkain. Kaya napakahalaga po sa atin ng farming. Huwag nating hayaan na mawala ito sa Bulacan. Huwag nating hayaan na mabawasan pa, kasi unti-unti na pong nababawasan ang ating mga lupang sasakahin,” anang gobernador.
Natuto ang 74 magsasaka mula sa mga bayan ng San Miguel, San Rafael, at San Ildefonso ng mga makabagong teknolohiya sa FFS sa Vegetable Production; 91 magsasaka ng palay ang nakatapos na kanilang 14-linggong Climate Resilient Farm Business School FFS; at 26 pond operators mula sa Hagonoy ang tinuruan ng Provincial Agriculture Office katuwang ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Region 3 sa FFS on Polyculture of Shrimp and Tilapia in Brackishwater Pond using Greenwater Technology.
Dagdag dito, nakatapos ang may kabuuang 321 magsasaka ng 16-linggong Adoption of Pest and Nutrient Management Technologies for Rice sa pangunguna ng Philippine Rice Research Institute (PRRI).
Kahit natapos na ang pagsasanay, babantayan ng mga Agricultural Extension Worker ang mga nakapagtapos upang makita ang kanilang aplikasyon sa mga natutuhan, malaman ang bahagi ng kanilang mga natutuhan sa kanilang kaalaman, at tulungan sila sa pagpapabuti ng kanilang produksiyon at kita. (MICKA BAUTISTA)