TINATAYANG P10.02-milyong halaga ng marijuana ang nasamsam mula sa mga nadakip na tatlong hinihinalang mga tulak sa pinatindi pang kampanya laban sa ilegal na droga ng Bulacan PPO sa mga bayan ng Guiguinto at Obando nitong Miyerkoles ng umaga, 19 Oktubre.
Kinilala ni P/Col. Relly Arnedo, OIC ng Bulacan PPO, ang mga naarestong suspek na sina Eliterio Pazon, Jr. alyas Jun, 28 anyos; at Hazel Domingo, 31 anyos, kapwa mula sa Brgy. Sta. Rita, Guiguinto; at Allan Lucero alyas Lance, 31 anyos, mula sa Brgy. Hulo, Obando.
Batay sa imbestigasyon, sina Pazon at Domingo ay naaresto sa ikinasang buybust operation sa Masagana Homes,Brgy. Rita, Guiguinto ng mga tauhan ng Guiguinto MPS at Bulacan Provincial Intelligence Unit (PIU) dakong 3:15 ng madaling araw kahapon kung saan nakumpiska mula sa kanila ang 16 na bloke ng hinihinalang marijuana na may timbang na 30 kilos at tinatayang nagkakahalaga ng P3,600.000.
Kasunod nito, nadakip sa buybust operation na ikinasa ng magkasanib na pwersa ng mga tauhan ng Obando MPS at ng PIU ang isa pang suspek na kinilalang si Allan Lucero sa Brgy. Hulo, Obando dakong 4:35 ng madaling araw.
Narekober mula kay Lucero ang 67 bloke ng hinihinalang marijuana may timbang na 53.5 kilo at tinatayang nagkakahalaga ng P6,420,000. (MICKA BAUTISTA)