RATED R
ni Rommel Gonzales
UNANG beses na sumagot si Jeric Gonzales sa tanong kung ano ba ang naging dahilan ng hiwalayan nila ni Rabiya Mateo.
“Ang pinaghiwalayan namin, siguro misunderstanding lang, siguro ‘yung priorities naming pareho sa work, sa career, sa life.”
Pero walang third party?
“Wala naman. Kaya naghiwalay kami ng maayos and hindi kami bitter sa isa’t isa, kaya ‘pag nagkikita kami hindi kami nag-iiwasan, hindi awkward.”
“We’re good friends and never naman kaming nag-close ng doors sa isa’t isa,” pagbabahagi pa ng Start-Up PHactor.
“Of course priority namin ‘yung work, ‘yung career pero hindi namin nakalilimutan siyempre ‘yung naging kami and may possibility pa rin na in the future, puwede pa…”
Na magkakabalikan sila, may chance?
“May chance, may chance,” ang nakangiting sinabi ni Jeric nang nakausap namin sa GMA NCAA All-Star Basketball Game na ginanap nitong Sabado, October 15, sa FilOil EcoOil Centre, San Juan City.
Bukod kay Jeric, naglaro rin ang mga Sparkle/Kapuso stars na sina Prince Clemente, Kirst Viray, Jose Sarasola, at ang mga PBA legends na sina Marlou Aquino at Willie Miller at ang muse nila ay si Shaira Diaz. Nasa ibang koponan naman sina Pancho Magno, Kokoy de Santos, Migs Villasis, Raheel Bhyria at ang mga PBA legends na sina Jerry Codiñera at Allan Caidic at ang muse nila ay si Lianne Valentin at ang mga NCAAathlete.
Dumalo rin ang GMA RTV & Synergy First VP and Head na si Oliver Amoroso.