MAS MABILIS nang matatamasa ang serbisyong medikal ng mga Pandieño sa opisyal na pagbubukas ng Outpatient Clinic ng Pandi District Hospital nitong Lunes, 10 Oktubre sa Brgy. Bunsuran 1st, sa naturang bayan.
Pinangunahan nina Bulacan Gov. Daniel Fernando at Vice Gov. Alexis Castro ang pagbubukas ng 25-bed capacity out-patient clinic na paunang magkakaloob ng out-patient services kasama ang dalawang pansamantalang itinalagang doktor, dalawang nurse, isang attendant, at apat na security guards.
Ayon kay Dr. Protacio Bajao ng Bulacan Medical Center, bukas ang ospital simula 8:00 am hanggang 5:00 pm mula Lunes hanggang Biyernes lamang.
Samantala, ang nalalabing departamento ng nasabing level 1 hospital ay inaasahang magiging operasyonal sa susunod na taon.
Nakatindig ang ospital sa 8,000 sqm lote na may floor area na 1,824.55 sqm, mayroong dalawang palapag, katabi ang isang one-storey building.
Ayon kay Provincial Engineer Glenn Reyes, nagmula sa pamahalaang panlalawigan ng Bulacan ang kabuuang pondong P40,047,600 at P19,180,064 mula sa National Housing Authority upang maitayo ang gusali na may kabuuang halagang P59,227,665.
Sa kanyang mensahe bago isagawa ang inagurasyon, pinasalamatan ni Fernando ang NHA gayondin ang pamahalaang bayan ng Pandi at si Cong. Ambrosio Cruz para sa kanilang suporta.
“Saludo tayo sa kanilang suporta. Maraming, maraming salamat po. Kailangan nating palakasin talaga ang health services at sa sama- samang pagtutulungan, ngayon po ay nakatindig na at makapagseserbisyo na ang out-patient clinic ng Pandi District Hospital,” anang gobernador.
Aniya, plano rin ng Gobernador na isaayos ang Calumpit District Hospital at paigtingin ang kampanya ng probinsiya upang mas maraming Bulakenyo ang mapagkalooban ng universal health care. (MICKA BAUTISTA)