SUNOD-SUNOD na nadakip ng mga awtoridad ang pitong indibidwal na pawang nagtatago sa batas sa serye ng manhunt operations sa lalawigan ng Bulacan, nitong Martes, 11 Oktubre.
Sa pinaigting na manhunt operation ng San Jose del Monte CPS katuwang ang 2nd PMFC, 301st RMFB3, 3rd SOU – Maritime Group at PHPT Bulacan, unang naaresto ang dalawang puganteng kinilalang sina Mark Matthew Calimlim, wanted sa kasong Lascivious Conduct Under Sec. 5(B) ng RA 7610 at dalawang bilang ng kasong paglabag sa Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009 (4(A), 4(D) ng RA 9995; at John Demmie Penuela para sa apat na bilang ng kasong paglabag sa Special Protection of Children Against Child Abuse Exploitation and Discrimination Act (Anti- Child Abuse Law) ng RA 7610 at Lascivious Conduct Under Sec. 5(B) ng of RA 7610.
Kasunod nito, dinakip ng warrant officers ng Bulacan CIDG 3 ang tatlong suspek sa paglabag sa Section 10 (a) ng RA 7610 (Other Acts of Abuse); Alarms and Scandals; at Illegal Possession of Firearm and Ammunitions at For Ban on Bearing, Carrying o Transporting of Firearms sa panahon ng election period.
Gayondin, dinampot ng mga tauhan ng Bulakan MPS at Bustos MPS ang dalawa pang suspek sa paglabag sa BP 22 at Reckless Imprudence Resulting in Homicide.
Ayon kay P/Col. Relly Arnedo, OIC ng Bulacan PNP, hindi nila pahihintulutan ang anomang krimen at kaguluhan sa nasasakupang lalawigan at tiniyak niyang ang mga lumalabag sa batas ay ipakukulong sa likod ng rehas ng hustisya. (MICKA BAUTISTA)