ni ROSE NOVENARIO
LANTARANG pambababoy sa batas at partylist system ang ginawang pagpoproklama ng Commission on Elections (Comelec) sa talunang partylist nominee bilang kinatawan nang nagwaging Magsasaka partylist.
Inihayag ito ni dating Magsasaka partylist Rep. Argel Cabatbat kahapon sa isang press conference sa Quezon City matapos iproklama ng Comelec si Robert Nazal, Jr., bilang kinatawan ng Magsasaka partylist kahit siya’y talunang nominado ng Pasahero partylist nitong nakaraang 2022 elections.
“Isang bilyonaryo, hindi na nga mukhang pasahero, lalo namang hindi mukhang magsasaka,” ani Cabatbat.
Sa naging desisyon ng Comelec aniya ay puwedeng ipakahulugan ng mga mayayaman na kapag natalo sa eleksiyon ay puwedeng pumunta sa poll body para ‘bumili’ ng puwesto sa nanalong partylist.
Nanindigan si Cabatbat, hindi bonafide member ng Magsasaka partylist si Nazal bagkus siya ay founder at nominee ng Pasahero partylist na natalo nitong 2022 elections at naging nominee rin ng Bagong Henerasyon partylist na hindi nagwagi noong 2019 elections.
“Kung bakit pinayagan ng Comelec ang ganitong pambababoy sa batas ay sila lang ang nakaaalam. Labag sa batas ang pagpapaupo kay Nazal dahil hindi naman siya naging miyembro ng Magsasaka – isa sa mga requirement ng batas para maging nominado ng isang party-list,” ani Cabatbat.
Batay sa caption ng ilang larawan na ipinaskil sa Facebook, tinukoy si Nazal bilang Pasahero partylist nominee sa nakaraang halalan.
Sinabi ni Cabatbat na posibleng nakipagsabwatan si Nazal, hindi lang sa Comelec, kundi sa pinatalsik nilang opisyal na si Soliman “Dexter” Villamin, Jr., para masungkit ang puwesto bilang kinatawan ng Magsasaka partylist.
Si Villamin at ilang opisyal ng DV Boer Farm Inc. ay nakakulong sa patong-patong na kasong syndicated estafa at swindling.
Maging ang mga naging biktima ni Villamin sa multi-bilyong agri-investment scam ay naghain ng manifestation sa Comelec bilang pagtutol sa petisyon ni Villamin na kilalanin ang kanyang paksiyon bilang lehitimong Magsasaka partylist pero hindi nabigyan ng tsansa ng poll body na ipaliwanag ang kanilang paninindigan.
Ani Cabatbat, naghain sila ng temporary restraining order (TRO) sa Korte Suprema laban sa desisyon ng Comelec na pumabor kay Nazal.
Pinag-aaralan ng grupo ni Cabatbat ang posibleng paghahain ng impeachment complaint laban sa mga opisyal ng Comelec bunsod ng “betrayal of public trust.”