ARESTADO ang isang dating pulis na nag-AWOL (Absence without Official Leave) sa isinagawang manhunt operation sa bayan ng Sto. Domingo, lalawigan ng Nueva Ecija, nitong Martes, 4 Oktubre.
Kinilala ni PRO3 Regional Director P/BGen. Cesar Pasiwen, ang suspek na si dating P/SSg. Edgar De Guzman, 52 anyos, residente ng Brgy. San Isidro, Zaragoza, sa nabanggit na lalawigan.
Inaresto si De Guzman ng mga tauhan ng Sto. Domingo MPS sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Ana Marie C. Joson-Viterbo ng Cabanatuan City RTC Branch 24 para sa kasong Murder na walang itinakdang piyansa.
Nabatid na matapos masangkot sa kasong murder ay nag-AWOL na ang akusado at nagpakatago-tago upang takasan ang krimen ngunit hindi tumigil ang kanyang mga dating kabaro sa paghahanap sa kanya upang mabigyan ng hustisya ang biktima hanggang maaresto.
Pahayag ni P/BGen. Pasiwen, walang lubay ang kapulisan sa Central Luzon sa pagtugis sa mga wanted persons upang ilagay sila kulungan ng hustisya. (MICKA BAUTISTA)