MARIING kinondena ng Kabataan Partylist ang pagpaslang kay Percival Mabasa, o mas kilala bilang Percy Lapid, isa sa mga brodkaster na masugid na kritiko ng administrasyong Marcos-Duterte, sa Las Piñas City kagabi.
Ayon sa kanyang manugang, binubuntutan si Percy Lapid habang papunta sa kanyang bahay para mag-online broadcasting, pero bago pa man nakapasok sa kanilang village ay pinagbabaril na siya ng dalawang hindi pa natutukoy na mga lalaking nakasakay sa motorsiklo.
Maaalalang huling paksang tinalakay ni Lapid sa kanyang broadcast ang panibagong bugso ng panre-redtag ni dating NTF-ELCAC spokesperson Lorraine Badoy.
Bagama’t walang makitang motibo ayon sa PNP, kombinsido ang pamilya ni Mabasa (Lapid) na malaki ang kinalaman ng pagiging kritiko niya sa administrasyon.
Sa katunayan, pangalawa na si Lapid sa pinatay na mediaman sa ilalim ng administrasyong Marcos-Duterte.
Pinagsasaksak ang pumanaw na beteranong radio broadcaster na si Rey Blanco ng Power 102.1 DYRY RFM Mabinay Radio Station sa Negros Oriental noong 16 Setyembre.
“Hindi pa man lumalagpas ang ika-100 araw ni Marcos sa poder, dalawang mamamahayag na ang naging biktima ng pamamaslang sa ilalim ng administrasyong Marcos-Duterte,” pahayag ng Kabataan Partylist.
Anila, “patunay lamang sa ilalim ng kanilang panunungkulan, ipagpapatuloy at patitindihin ang Kill, kill, kill legacy ni Rodrigo Duterte at ang walang habas na panunupil sa kalayaan sa pagpapahayag ng hinaing at pag-oorganisa ng mga mamamayan magmula pa noong panahon ni Marcos Sr.”
Taos-pusong nakikiramay ang Kabataan Partylist sa mga kamag-anak at mahal sa buhay na naiwan ni Lapid.
“Tatanganan ng mga kabataang Filipino ang pagpapanawagan ng hustisya para sa kanya at sa lahat ng pinaslang ng mga nagdaan at kasalukuyang rehimen,” dagdag na pahayag ng partylist. (GERRY BALDO)