Sunday , December 22 2024

Mga kakaibang pangyayari sa PCSO at BIR

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

ANG statistical probability na matsambahan ang kombinasyon ng mga numerong binola sa Grand Lotto 6/55 ay isa sa 28,989,675. At nitong Sabado, ang mailap na number combination na ito ay nasapol ng 433 nanalo ng jackpot.

Sagot ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa kanilang press conference isang araw matapos ang draw: “Iyon ay isang natural na pangyayari.”

Seryoso ba… kasing natural ng pagsulpot ng mga kabute sa mga patay na puno o kasing natural ng pagkain ni Juan Ponce Enrile sa mga kabute direkta mula sa patay na puno?

*              *              *

Hindi makapaniwala si Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III, isang B.S. Mathematics major bago nag-abogasya at nanguna sa Bar exams, sa kakatwang insidente ng pagkakapanalo ng jackpot ng 433 tumaya sa Grand Lotto ng PCSO.

Gusto niyang imbestigahan ng Senado ang nangyari at iginiit ang audit sa lahat ng lotto games ng PCSO.

Naaalala pa siguro niya ang nangyari kung saan ang huling taong nagpursigi ng imbestigasyon sa lotto ng PCSO – si dating National Bureau of Investigation (NBI) director Alfredo S. Lim – ay napag-alamang isa pala sa mga nanalo sa major draws sa kalagitnaan ng pagsisiyasat noong 1990, kinubra ang kanyang panalo, at inabsuwelto na lang ang sweepstakes office.

Ngayon, sakaling sa gitna ng congressional inquiry sa lotto games ay natuklasan ni Pimentel na isa pala siya sa nanalo ng jackpot – maituturing na kayang ‘natural na pangyayari’ ang insidente?

*              *              *

Ang kauna-unahan sa kasaysayan ng sabay-sabay na promotion ng 57 opisyal ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ay isa nga bang pagtatangka ng indirect bribery upang mahikayat ang ahensiya sa buwis na huwag nang silipin pa ang mga pagkakautang sa buwis ng pamilya Marcos? Ginagamit ba dito ‘yung paulit-ulit nang naabuso at bulok nang sistema ng ‘utang na loob?’

Base na rin sa sariling pahayag ni President Junior, nais daw niyang muling tasahin ng BIR ang mga pagkakautang sa buwis ng kanyang pamilya, sinabing hindi maayos na nagabayan at may mga mali sa taya ng ahensiya dahil may ilang ari-arian ang wala naman daw sa kanilang pag-iingat pero pinapabuwisan sa kanila.

Gusto kong marinig ang opinyon ng 57 bagong promote na opisyal ng BIR tungkol sa isyung ito!

*              *              *

Sa mabilisang pagpapasa sa P5.268-trilyong national budget para sa 2023, tanging tatlong kongresista ang nagtangkang kuwestiyonin ito dahil sa saksakan daw ng daming pondo ng pork barrel.

Malinaw sa nangyaring ito na mayorya ng ating mga mambabatas sa Kamara de Representantes ay hindi natuto sa kontrobersiya ni Janet Napoles.

Hindi na ako magugulat kung makatagpo muli si Janet ng bagong mga kakutsaba na may parehong galawan at parehong karakas kina kosang Jinggoy, kosang Bong, at kosang Johnny.

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …