SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
KAKAIBA ang tema ng panoorin na handog ng Pie Channel kaya siguro click ito sa viewers. Ito ang pili-serye na The Chosen One na pinagbibidahan nina Melai Cantiveros, Jhong Hilario, at Kaila Estrada.
Ang The Chosen One na isang reality suspense-drama ay may powers ang manonood na kontrolin ang mga karakter at kaganapan sa programa.
Opo ang viewers ang kumokontrol sa kanilang napapanood.
Esplika nga ni direk Topel Lee sa ganitong klase ng panoorin, “You get to play God.
“Ikaw (viewers) ang magde-decide kung saan papunta ang kuwento, kung ano ang mangyayari sa characters. Fresh ito for this type of programming sa PIE Channel (Pinoy Interactive Entertainment).
“They get to vote kung sino ang gusto nilang matira o kung sino ang gusto nilang matsugi. Roon magde-depend ang story, sa voters.
“Siyempre hindi namin ikakalas sa main narrative but at least mayroon tayong sinusundan na flow na manggagaling sa viewers kung ano ang gusto nila na mangyari sa characters natin,” paliwanag ng direktor.
Kasama rin dito ang mga dating housemates ng Pinoy Big Brother.
Ang hybrid narrative-reality show ay bahagi ng ikaapat na monthsary ng PIE Channel na nagsimula noong Setyembre 24 (8:00 p.m.).
Sa The Chosen One: Ang Piliserye ng Bayan, nasa kamay ng PIE viewers ang kapalaran ng mga karakter sa kuwento dahil sila ang magpapasya kung sino ang mabubuhay o matsutsugi sa pamamagitan ng botohan. Ang exciting part pa rito, naaaliw ka na sa panonood pwede ka pang manalo dahil limang masuwerteng Philippine-based voters ang makakukuha ng P1,000 kada linggo na mapipili via randomizer.
Para sa pilot ng The Chosen One, tampok ang campy thriller series na Soap Opera na susundan ang kuwento ni Charlie (Kaila), isang dalagang sasabak sa isang networking group na Astra Nuevo na bossing si Miss Jane (Melai). Sa Astra Nuevo, makikilala ni Charlie ang 10 taong tulad niya na nangangarap ding makaahon sa hirap. Pero imbes na ginhawa, nalagay sa alanganin ang kanilang mga buhay.
Magsisilbing players o ang mga karakter na pagbobotohan ng PIE viewers ang dating PBB housemates na sina Andi Abaya (Rachel), Amanda Zamora (Julie), Dustin Mayores (Jason), Gabb Skribikin (Cheska), Kobie Brown (Peter), Luke Alford (Kiko), Maxine Trinidad (Emma), Rob Blackburn (Joe), Seham Daghlas (Paula), at Zach Guerrero (Mike).
Tuwing Sabado (8:00- 10:00 p.m.), magpapalabas ang The Chosen One ng live episodes ng Soap Opera at pagkatapos ay magbibigay ng komento si Melai kasama ang ‘chosen mentor’ na si Jhong.
Malalaman din ng viewers ang standing ng bawat player base sa audience votes.
Sinabi ni Melai na ibang Melai ang mapapanood dito ayon na rin sa ipinalabas na primer ng show.
“First time ko (gumawa) na ganitong istorya. Kasi ako naman nagho-horror, pero may sundot na comedy. Dito parang may pagka-serious talaga,” anang komedyana.
“Siyempre dahil suspense thriller itong pili-serye natin, gusto kong matakot sa acting nila. Gusto kong tumayo ‘yung mga balahibo ko dahil alam ko kapag natakot ako, ‘yung mga manonood sa kanila, matatakot din,” sambit naman ni Jhong.
Bukod sa The Chosen One, may bagong shows at PIE jocks din ang PIE para umapaw ang saya araw-araw. Nariyan sina Gretchen Fullido, Abby Trinidad, Frances Cabatuando, Mayor TV, Tristan Ramirez (Lunes hanggang Sabado) Madam Inutz, Migs Bustos, at Nicole Cordovez (Linggo) sa BRGY PIESILOG; Janine Berdin at Raco Ruiz sa PIEBORITO (Lunes hanggang Linggo); Anji Salvacion, Eris Aragoza, Ralph Malibunas, Sam Bernardo (Lunes hanggang Sabado), Gello Marquez, Jeremy G, Reign Parani, at Vivoree(Linggo) sa PIEGALINGAN; Eian Rances, Negi, Sela Guia, Kevin Montillano, Nicki Morena, Ruth Paga, Nonong Ballinan (Lunes hanggang Sabado) Inah Evans, Kid Yambao, Patsy Reyes, at Jackie Gonzaga(Linggo) sa PIENALO; at sina Aaron Maniego, Karen Bordador, Renee Dominique (Lunes hanggang Biyernes), Elmo Magalona, at Vivoree (Linggo) sa PIE Night Long.
Ang PIE ang unang multiscreen, real-time interactive TV channel ng bansa na pwedeng sumali at manalo ng cash prizes araw-araw.