AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
LIMANG MINUTO, oo kinakailangan sa loob ng limang minuto ay nakapagresponde na o nasa crime scene na ang mga pulis.
Ito ang mahigpit na tagubilin ni PNP Cordillera Autonomous Regional Director, Police Brig. Gen. Mafelino Bazar sa lahat ng pulisya na nasa ilalim ng Cordillera region.
Sa ganitong sistema, naniniwala si Bazar na maaaring madatnan ang mga salarin sa pinangyarihan – kapag madatnan ay posibleng madakip ang salarin kaya ang kaso ay lutas agad.
Kung hindi man, sa napakagandang solusyon ni Bazar sa paglutas sa isang krimen ay maaari rin mabigyan agad ng kaukulang tulong ang biktima lalo na kapag nangangailangan ito ng karampatang lunas “first aid” — maisugod agad sa pinakamalapit na ospital upang maisalba ang buhay ng sugatang biktima.
Limang minuto? Posible ba ito sa situwasyon ngayon – matrapik, kakulangan ng police service, at kung ano-ano pang dahilan na maaaring marinig sa mga pulis na nagpapalusot sa pagkaantala ng pagresponde.
Naniniwala naman tayo kay Bazar na posible ang kanyang direktiba dahil kung hindi ay hindi niya ito ipag-uutos. Lamang, ang nakikita nating problema rito ay ang mga pulis na magreresponde. Oo, nandiyan iyong magtuturuan, nandyan iyong kaninong sasakyan ang puwedeng gamitin, nandiyan iyong magdadahilan na walang gasolina at kung ano-ano pa.
Ibig sabihin, posible talaga ang limang minutong responde at para nga naman maisutuparan ang lahat, kinakailangan din gawan ng solusyon ang ginagawang palusot o katuwiran ng ilang pulis dahil nga makatotohanan din ang kanilang katuwiran.
Nasabi ko rin na makatotohanan ang mga katuwiran ng maraming pulis dahil naobserbahan natin ito — totoo na karamihan sa nagagamit na sasakyan sa operasyon ngayon ay pribadong sasakyan na pag-aari ng mga pulis… mayroon namang mobile etc lamang, kung minsan ay nagkukulang. Kung mayroon man issue ng sasakyan sa isang police station ay nasira na at walang nagpapagawa o lumang-luma na.
Sana ay makita ng mga nakatataas sa PNP ang problema sa logistics lalo sa mga rural area maging sa ilang urban areas.
Ano pa man, ang limang minutong responde ay masasabi na nga bang solusyon sa mga nangyayaring krimen? Katapusan na ba ng mala-pelikulang pagresponde sa isang crime scene? Hindi ba sa pelikula “crime stories” madalas ay nahuhuli ang mga pulis sa pagresponde? Tapos na ang lahat at saka dumarating sa mga pulis.
Sa Baguio City, bawat sulok ng siyudad ay may pulis — opo, napakaganda ng police visibility sa lungsod. sa Session Road na lang, aba’y kaliwa’t kanan makikita ang mga pulis na nagroronda bukod sa mga naka-estasyon sa isang lugar.
Hindi lang mismo sa sentro ng lungsod kung hindi pagpasok pa lamang sa bisinidad ng lugar — sa Marcos Highway at sa Kennon Road. May matatakbuhan o mahihingan ng tulong ang mga naaagrabyadong residente o bisita ng lungsod.
Pero, in fairness, kay Baguio City mayor Benjamin Magalong, wala pa man ang tagubilin ni Bazar ay nagbaba na ng direktiba ang alkalde sa pulisya ng lungsod. Noong pa man — sa unang taon ng pag-upo ni Magalong sa lungsod bilang alkalde ay isa sa naging prayoridad niya ay magbigay proteksiyon sa mamamayan ng lungsod kaya, siyento por siyento ang police visibility sa lungsod.
Hindi naman lingid sa ating kaalaman na isang retiradong magaling na heneral ng PNP si Magalong kaya, nakapokus din siya sa trabaong pulis para sa mamamayan ng Baguio at mga turista.
Ngayon, sa direktiba ni Bazar sa buong pulisya ng Cordillera, ito na ba ang solusyon para sa agarang ikalulutas ng krimen sa CAR?