Thursday , December 19 2024
Sipat Mat Vicencio

Sobrang yabang ni Senator Tol

SIPAT
ni Mat Vicencio

KUNG TUTUUSIN, halos dalawa at kalahating taon pa bago ang nakatakdang midterm elections pero ngayon pa lang, ramdam na ramdam ang ginagawang pagpapabibo ni Senator Francis “Tol” Tolentino, at talagang masasabing gagamitin ang Senado masiguro lang ang kanyang panalo.

Malaki ang ipinagbago ni Tol.  Kung dati parang basang-sisiw nang unang mahalal sa Senado, pansinin ninyo ngayong 19th Congress, napakabangis at parang manghahalibas ng mga imbitadong resource persons sa kanyang komiteng pinamumunuan.

Nakaaawa ang mga dumadalong indibiduwal sa blue ribbon committee ni Tol dahil hindi pa man natatapos sa pagsagot ang kanyang tinatanong, sinusupalpal na kaagad ng senador at halos hindi binibigyan ng pagkakataong makapagpaliwanag.

May ipinagkaiba pa ba itong si Tol kay dating Senador Richard Gordon na kung matatandaan ay halos kopoin na ang buong hearing at walang maririnig na boses na nagsasalita kundi ang chairman na lamang?

Kung ganito ang paniwala ni Tol na mananalo siya sa darating na eleksiyon sa pamamagitan ng maangas at kontroladong pagdadala ng hearing ng kanyang komite bilang chairman ay nagkakamali siya.

Palpak na propagandang matatawag ang ginagawa ni Tol dahil hindi magiging maganda ang kanyang imahen at sa halip magagalit at kaiinisan siya ng taongbayan. Sobrang angas ng dating ngayon ni Tol at malamang na matalo siya sa Senado sa 2025.

Pansinin ang ginawa ni Tol sa hearing ng ‘sugar importation scandal’ na hindi pa man natatapos lahat busisiin sa imbestigasyon dahil nakatatatlong hearing pa lamang ay tinapos na kaagad at mabilis na pinawalang-sala si dating Executive Secretary Vic Rodriguez.

Labs na labs nila si Vic pero nang ‘sibakin’ sa puwesto walang comment si Tol!

Pati sa ‘laptop scandal’ ng DepEd, halos ‘chopsuey’ na ang hearing pero ayaw pa rin bumitaw ni Tol dahil alam niya marahil na malaking propaganda ang usapin at malaking pogi points ito sa kanyang career bilang senador.

Tama talaga ang sinasabing ‘in aid of reelection’ ang ginagawa nitong si Tol, at kahit malayo pa ang simula ng karera sa eleksiyon, ngayon pa lang ay repeke na kaagad at ayaw pahuli at maiwanan ng kanyang mga kasamahang reelectionist na senador sa PDP-Laban.

Hindi ba’t pang siyam na puwesto lamang si Tol noong 2019 election at napakalayo niya sa kanyang kapwa PDP-Laban members tulad ni Senator Bong Go na pumangatlo sa puwesto at Senator Bato dela Rosa na nasa ika-lima?

Kaya nga, kayod nang husto si Tol lalo ngayong siya ang kasalukuyang Vice President for Luzon ng kanilang partido at nakahihiyang matalo siya sa darating na halalan sa 2025. Payo lang natin sa senador, hinay-hinay lang sa pagdadala ng hearing sa Senado at hindi magandang masabihang sobrang yabang mo Tol!

About Mat Vicencio

Check Also

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Sa 3.6-M SSS pensioners, May 13th month naaaaa!!!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IKAW! Oo, ikaw my dear friend, isa ka ba sa 3.6 …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Victory Liner Inc., goes eco-friendly

AKSYON AGADni Almar Danguilan TAMA ang inyong nabalitaan, ang Victory Liner Inc. (VLI), ang top …