BANGKAY na nang matagpuan sa nagpuputik na palayan ang isang batang lalake matapos na mahulog at higupin ng drainage system sa kasagsagan ng ulan sa Pandi, Bulacan, Setyembre 27.
Ang biktima ay kinilalang si Prince Marvin B Mortejo, 2-taong gulang, na ang pamilya ay naninirahan sa Pandi Residence 3, Mapulang Lupa kung saan naganap ang insidente.
Ayon kay Raymond Austria, Pandi MDRRM officer, dakong alas- 4:30 ng hapon nang makatanggap sila ng tawag na may nalunod na bata sa kanal sa naturang barangay.
Agad silang nagsagawa ng rescue operation ngunit naging pahirapan ang paghahanap sa bata hanggang dakong alas-dose na ng tanghali kamakalawa, Setyembre 28 ay natagpuan ang bangkay ng bata sa isang palayan.
Sinabi ni Austria na halos dalawang kilometro ang layo ng narating ng bata nang tangayin ito at higupin ng malakas na pagragasa ng agos ng tubig sa kanal.
Sa naging pahayag naman ng ina ng bata na si Jenita Basa, nagpaalam na maliligo sa ulan ang kanyang anak at isa pang kapatid nito na apat na taong gulang
IIang saglit pa aniya ay humahangos na umuwi sa kanilang bahay ang kapatid nito at sinabi sa kanya na nahulog sa kanal ang bunsong kapatid
Ayon naman sa nakasaksi sa insidente na si Jesus Clamor, nang mahulog ang bata sa kanal ay sinubukan nila itong sagipin subalit sa lakas ng agos ay hindi na nila ito nakita pa.
Sa imbestigasyon ng mga awtoridad ay wala namang nakitang foul play sa pagkalunod ng biktima na kasalukuyang nakaburol ngayon sa kanilang tahanan. (MICKA BAUTISTA)